Mga pasaway sa ahensya ng gobyerno, tama lang na panagutin
- BULGAR

- 21 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 16, 2026

Hanggang kailan nga ba magtitiis ang publiko sa mga kawani ng gobyerno na imbes magsilbi ay inuuna pa umano ang pansariling interes?
Sa opinyon ng nakararami, matagal nang simbolo ng stress, delay, at umano’y lagayan ang ilang transaksyon sa Land Transportation Office kaya marami ang natuwa sa mas pinaigting na kampanya laban sa katiwalian sa loob mismo ng ahensya.
Sa unang anim na buwan ng bagong opisyal ng ahensya sa puwesto, umabot na sa 56 empleyado ng LTO ang sinibak at kinasuhan dahil sa iba’t ibang paglabag gaya ng grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty, extortion, at falsification of official documents.
Ayon sa isang opisyal, walang lugar sa LTO ang pang-aabuso sa kapangyarihan, kapabayaan, at katiwalian dahil direktang naaapektuhan nito ang serbisyo para sa publiko at ang tiwala ng taumbayan.
Kabilang sa mga nasangkot ang isang presidential appointee at 34 permanenteng empleyado mula sa Central Office at iba’t ibang rehiyon tulad ng NCR, Cagayan Valley, Mimaropa, Central Visayas, Cordillera Administrative Region, at Caraga. May ilan sa kanila ang isinailalim sa preventive suspension habang ang iba naman ay ipinasa na sa mga disciplinary body gaya ng Central Office Disciplinary Board, Regional Administrative Action Board, at Department of Transportation (DOTr) para sa karagdagang aksyon.
Hindi rin nakaligtas ang mga job order personnel dahil 16 sa kanila ang tinanggal sa serbisyo. Tinanggalan din ng deputation authority ang ilang auxiliary enforcers ng local government at isang security guard. Samantala, dalawang opisyal mula NCR at Soccsksargen ang pinatawan ng mahigpit na babala dahil sa administrative lapses.
Mahalaga ang hakbang na ito dahil matagal nang inuugnay ang LTO sa fixer system, mabagal na proseso, at umano’y lagayan sa ilang transaksyon. Kapag may tiwaling empleyado sa isang ahensya, hindi lang dokumento o pera ang naaapektuhan kundi pati oras, tiwala, at kabuhayan ng mga ordinaryong Pilipino na nais lamang makakuha ng maayos at patas na serbisyo.
Magandang simula ang paglilinis sa sariling hanay ng LTO dahil ipinapakita nitong hindi lang mga pasaway na motorista ang pinaparusahan kundi pati mga opisyal at empleyadong lumalabag sa batas. Gayunman, hindi dapat dito matapos ang kampanya dahil mas mahalagang mapanatili ang tuluy-tuloy na reporma at masigurong walang makakalusot anuman ang posisyon.
Mas maibabalik lamang ang tiwala ng publiko kung mararamdaman ng taumbayan na patas, mabilis, at malinis ang serbisyo ng gobyerno. Ang tunay na pagbabago sa ahensya ay hindi natatapos sa rami ng sinibak kundi sa rami ng mamamayang muling maniniwalang may maaasahan pa silang maayos na serbisyo mula sa hanay ng pamahalaan.





Comments