Mga nagpayaman sa flood control, panahon nang singilin!
- BULGAR

- Jun 19
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 19, 2026

Hindi ba’t mas nagkakaroon ng pag-asa ang taumbayan kapag nakikitang lumalawak ang pagtutulungan ng mga ahensya laban sa korupsiyon, lalo na sa mga proyektong dapat sana’y nagsisilbi para maiwasan ang baha at maprotektahan ang mga komunidad?
Sa panahong patuloy na nararanasan ng maraming Pilipino ang pinsala ng pagbaha, mahalagang makita ng publiko na hindi lamang sa loob ng bansa umiikot ang paghahanap ng pananagutan kundi umaabot maging sa pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa.
Positibo ang hakbang ng Office of the Ombudsman na palakasin ang ugnayan nito sa mga katapat na institusyon sa Southeast Asia upang mas mapabilis ang pagkalap ng impormasyon at ebidensya kaugnay ng mga kasong may kinalaman sa mga kuwestiyonableng flood control projects.
Malaking tulong ang Southeast Asian Ombudsman Forum 2026 sa kanilang isinasagawang imbestigasyon at pag-uusig laban sa mga sangkot sa katiwalian. Sa pamamagitan ng kooperasyon ng mga bansang kasapi sa forum, maaaring maibahagi sa Pilipinas ang mga impormasyon at ebidensyang makatutulong sa pagpapatibay ng mga kasong isasampa laban sa mga responsable.
Bukod dito, kabilang din sa mga napag-uusapan sa forum ang intelligence gathering at information sharing. Dahil dito, posibleng matukoy ang mga ari-ariang nasa ibang bansa na may kaugnayan sa mga indibidwal na iniimbestigahan. Kapag napatunayan ang pagkakasangkot sa korapsyon, mas mapapadali rin ang proseso ng forfeiture o pagbawi ng mga naturang ari-arian alinsunod sa batas.
Gayunman, nananatiling malaking hamon ang pagkuha ng matitibay na ebidensya. Nakasalalay kung magiging matagumpay ang paghahain at pag-usad ng mga kaso sa korte. Kahit gaano kalakas ang hinala o reklamo, kinakailangan pa rin ng sapat at kapani-paniwalang ebidensya upang mapanagot ang mga sangkot.
Sa unang araw ng full members meeting ng Southeast Asian Ombudsman Forum, inihayag na mahigit 200 flood control cases na ang tinututukan ng kanilang tanggapan. Sa bilang na ito, apat na kaso na ang pormal na naisampa sa kaukulang hukuman.
Mahalaga ang mga ganitong hakbang dahil ang pondong inilaan para sa flood control projects ay mula rin sa buwis ng taumbayan. Kapag may katiwaliang nangyari sa mga proyektong ito, hindi lamang pera ng gobyerno ang nawawala kundi pati ang oportunidad na maprotektahan ang mga komunidad laban sa baha at iba pang sakuna.
Ang tunay na sukatan ng tagumpay ay hindi lamang ang dami ng kasong iniimbestigahan kundi ang dami ng mga mapapanagot at maibabalik na pondo para sa kapakinabangan ng publiko. Ang pagpapalawak ng pakikipagtulungan sa ibang bansa ay isang mahalagang hakbang, ngunit higit na mahalaga ang konkretong resulta.
Umaasa ang taumbayan na ang mga imbestigasyong ito ay hahantong sa hustisya, pananagutan, at mas maayos na paggamit ng pondo ng bayan upang maiwasan ang mga trahedyang dulot ng pagbaha.





Comments