top of page
BIDA - CLAUDIA, PINAPAPALITAN NG BARRETTO ANG APELYIDO-IG _claudia & _dennisastig.jpg

Mga masasamang loob may bagong modus na naman, publiko, ingat sa birthday scam

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 14
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 14, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Doble-ingat ang dapat baunin ngayon ng bawat pamilya, lalo na ng mga may nakatatandang kasama sa bahay. 


Sa panahon na dapat protektado ang senior citizens, may mga mapagsamantala pa rin na ginagamit pa ang kabutihan at tiwala ng matatanda para makapanloko. 


Nakakagalit isipin na pati simpleng regalo sa kaarawan ay ginagawang pain para makapasok sa bahay at makapagnakaw. Kaya malinaw na hindi sapat ang pagiging mabait ngayon, kailangan ding maging mapanuri.


Nagbigay ng babala nitong sabado ang lungsod ng Quezon City para sa mga senior citizen matapos lumabas ang mga ulat tungkol sa mga magnanakaw na nagpapanggap na may dalang “birthday cake” para makapasok sa tahanan ng matatanda. 


Ayon sa lungsod, hindi sila namimigay ng cake kundi birthday packages na naglalaman ng grocery items tulad ng gatas, pasta at sauce bundle, biskwit, at iba pang produktong makatutulong sa kalusugan ng mga lolo at lola.


Ipinaliwanag din ng city government na ang naturang mga package ay ipinamamahagi buwan-buwan sa tulong ng mga opisyal ng barangay batay sa opisyal na listahan ng QCitizens na may senior citizen ID. Bawat barangay din ang nagtatakda ng iskedyul kung kailan maaaring kunin ng benepisyaryo o ng kanilang kinatawan ang naturang ayuda.


Lumakas ang babala matapos ang insidente noong Martes, kung saan isang 69-anyos na lola at dalawa niyang apo ang ginapos at ninakawan sa loob mismo ng kanilang bahay. Ayon sa pulisya, kumatok ang mga suspek sa gate at nagsabing may birthday cake mula sa alkalde para sa senior citizen. Nang mapaniwala nila ang biktima at makapasok sa bahay, bumunot umano ng baril ang mga salarin, tinalian ang mag-lola at saka nilimas ang tahanan.


Masakit tanggapin na sa halip na seguridad, takot ang naiiwan sa mga ordinaryong mamamayan. Kung noon ay sapat na ang pagbubukas ng pinto sa may dalang regalo, ngayon ay kailangang siguruhing kilala muna ang nasa labas bago ito papasukin. 

Hindi kasalanan ng matatanda ang magtiwala, ngunit tungkulin ng pamilya at komunidad na protektahan sila laban sa mga mapagsamantala.


Mahalagang paalala ito sa taumbayan na hindi lahat ng kumakatok ay may mabuting intensyon. Dapat laging kumpirmahin sa barangay o opisyal na platform ng lungsod ang anumang programa. Maaari ring tumawag sa kanilang mga hotline para sa beripikasyon.


Hindi lang kandado at rehas ang depensa laban sa krimen. Ang tunay na proteksyon ay impormasyon, pagbabantay ng pamilya, at pagkakaisa ng komunidad. Kapag alerto ang mamamayan, mas mahihirapan ang masasamang-loob na makalusot.


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page