top of page
Rico Blanco at mystery girl - Circulated

Mga kabataan, umapelang ipagbawal na ang vape

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 16 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | June 7, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hanggang kailan hahayaang malulong sa bisyo ang kabataan habang tila mas mabilis pang kumalat ang vape kaysa sa mga babala tungkol sa panganib nito? 


Nakakabahala na sa panahon ngayon, tila mas madaling makahawak ng vape ang ilang kabataan kaysa makakuha ng sapat na kaalaman tungkol sa epekto nito sa kanilang kalusugan. Kaya hindi kataka-takang mas lumalakas ang panawagan ng libu-libong kabataang Pilipino para higpitan, kung hindi man tuluyang ipagbawal, ang bentahan at paggamit ng vape at e-cigarettes sa bansa.


Mahigit 6,000 kabataang Pilipino ang nakilahok sa online at on-ground activities kaugnay ng paggunita sa World No Tobacco Day upang ipanawagan ang agarang pagbabawal sa vape at e-cigarettes. Pinangunahan ito ng grupong TobaccOFF NOW!, isang youth movement na mariing nananawagan sa gobyerno na protektahan ang kabataan laban sa pangmatagalang epekto ng nicotine addiction.


Sa inilunsad nilang youth manifesto, iginiit ng grupo ang pagpapatupad ng mas mahigpit na regulasyon laban sa tobacco at vape advertising, pagbabawal sa mga disenyo at flavorings na malinaw na nakaaakit sa kabataan, at paglalagay ng pampublikong kalusugan bilang pangunahing prayoridad kaysa interes ng industriya ng tabako at vape.

Ayon sa grupo, lumalala ang sitwasyon ng vaping sa hanay ng kabataan. Batay sa datos mula sa Institute for Global Tobacco Control at National Library of Medicine, tinatayang nasa 1.21 milyong kabataang Pilipino ang gumagamit ng e-cigarettes. Higit pang ikinababahala na mas mataas na umano ang bilang ng teenage vapers sa edad 13 hanggang 15, na nasa 14.1 porsyento, kumpara sa tradisyonal na paninigarilyo na nasa 12.5 porsyento.


Hindi na lamang ito simpleng usapin ng personal na pagpili kundi isang seryosong problemang pangkalusugan na direktang tumatama sa kinabukasan ng kabataan. Habang parami nang parami ang naaakit sa makukulay na packaging at matamis na flavors ng vape, tila mas lumalabo ang tunay na panganib na kaakibat ng nicotine dependency.


Mula Mayo 20 hanggang Mayo 31, nagsagawa ang kilusan ng iba’t ibang regional activities na nagtapos sa isang pagtitipon sa Barangay Batasan Hills sa Quezon City, kung saan mahigit 250 kabataan at mga katuwang na ahensya, kabilang ang Department of Health at lokal na pamahalaan ng lungsod, ang dumalo bilang pagpapakita ng suporta sa kampanya.


Hindi sapat ang simpleng kampanya kung walang konkretong aksyon mula sa pamahalaan at pakikiisa ng publiko. Responsibilidad ng bawat magulang, paaralan, komunidad, at lider ng bansa na tiyaking hindi nalulunod sa bisyo ang susunod na henerasyon. Kung tunay na mahalaga ang kinabukasan ng kabataan, marapat lamang na unahin ang kanilang kalusugan bago ang anumang negosyo. Sapagkat ang pagkawala ng disiplina sa isang henerasyon ay hindi lamang problema ng pamilya—ito ay pasaning babalik sa buong sambayanan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page