Mga bata, protektahan laban sa mapanlinlang na impluwensiya sa internet

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 31, 2026

Nakakabahala ang lumalawak na impluwensiya ng mga grupong gumagamit ng internet upang hikayatin ang mga menor-de-edad na gumawa ng karahasan.
Hindi na lamang ito simpleng usapin ng maling paggamit ng social media dahil maaari itong humantong sa pagkawala ng buhay, pagkasira ng kinabukasan ng mga bata at paglalagay sa panganib ng buong komunidad.
Ayon sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), natukoy na ang hindi bababa sa 60 indibidwal, kabilang ang mga menor-de-edad at dayuhan, na pinaghihinalaang sangkot sa online grooming ng mga bata kaugnay ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban noong Hunyo 22. Hindi man direktang nakipag-ugnayan ang lahat ng natukoy sa mga suspek sa pamamaril, sinasabing mayroon silang impluwensiya sa pamamagitan ng kani-kanilang network.
Posible pang dumami ang bilang dahil sinusuri rin ng mga imbestigador ang humigit-kumulang 200 iba pang indibidwal na pinaghihinalaang nanghihikayat sa mga menor-de-edad na magsagawa ng mararahas na pag-atake. Tinitingnan din ng NBI ang organisasyon ng grupo, paraan ng pangangalap ng miyembro, lawak ng impluwensiya at posibleng ugnayan nito sa mga ekstremistang organisasyon.
Isa sa mga nakababahalang pamamaraan ng mga grupong ito ang pag-target sa mga batang itinuturing na bulnerable, partikular ang may problema sa pamilya o paaralan.
Sa halip na tulungan silang harapin ang kanilang pinagdaraanan, ginagamit ang kanilang kahinaan upang impluwensiyahan silang gumawa ng karahasan. Ipinakikita nito na maaaring maging daan ang internet sa pang-aabuso at manipulasyon kapag napabayaan ang kaligtasan ng mga kabataan sa digital na mundo.
Hindi dapat maliitin ang ganitong panganib. Tatlong estudyante ang nasawi at 20 iba pa ang nasugatan sa pamamaril sa Tacloban, habang dalawang estudyante naman ang naaresto kaugnay ng insidente. Patuloy pang tumatanggap ang mga awtoridad ng digital na ebidensiya halos araw-araw at wala pang itinakdang panahon kung kailan matatapos ang imbestigasyon.
Kailangang palakasin ang pagbabantay sa mga online platform, paaralan at komunidad. Mahalaga rin ang aktibong paggabay ng mga magulang, maayos na komunikasyon sa mga anak at agarang pag-aksyon kapag may napansing kahina-hinalang pagbabago sa kanilang kilos o pakikisalamuha sa internet.
Hindi sapat na habulin lamang ang mga taong nasa likod ng ganitong gawain matapos magkaroon ng trahedya. Dapat mapigilan ang pang-aabuso bago pa ito mauwi sa karahasan. Ang bawat batang nalalayo sa mapanganib na impluwensiya ay isang buhay at kinabukasang naililigtas. Ang proteksiyon sa kabataan ay hindi lamang tungkulin ng pamahalaan kundi pananagutan ng pamilya, paaralan at buong lipunan.





Comments