top of page
TALKIES - BIMBY, GUSTONG MAG-ASAWA NANG MAAGA PARA MAIHATID NINA KRIS AT BOY SA ALTAR_FB B

Bishop Bai Marquez, kinilala sa payak na pamumuhay at kababaang loob

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | October 31, 2026



Fr. Robert Reyes


Seminarista pa lang kami noong dekada ‘70. Kasama ni Among Ed si Bai sa St Agustine Major Seminary sa Tagaytay. Seminarista naman ako sa San Jose Major Seminary sa Quezon City.  Iba’t iba ang buhay noong dekada ’70. Martial Law, curfew, militarisasyon, bawal mag-rally, hulihan, torture, winawalang mga aktibista.


Masunurin at napiringang media. Subalit, sa mga panahong iyon din naririnig ang tinig nina Obispo Antonio Fortich; Julio Labayen; Cardinal Sin; Obispo Claver at ang mga kinikilalang propesor na itinuturo ang Theology of Liberation tulad nina Padre Catalino Arevalo at Antonio Lambino. Tuwing Sabado hanggang Linggo, sa mga maralitang taga-lungsod ang apostolado ng mga seminarista. Mula babad sa pag-aaral, babad sa panalangin at buhay seminaryo tungo sa babad sa buhay maralita. 

                  

Nahubog tayo sa kakaibang panahon ng panggigipit at pananakot ng diktaduryang Marcos. Karamihan sa mga taga-hubog ng mga seminaryo noon ay sanay sa payak at makam-mahirap na buhay. Naaalala pa natin ang turo ni Padre Johnny Sanz. “Kapag naging pari kayo, isang maleta lang dapat ang dala ninyo sa mga parokya o iba’t ibang “assignment” ninyo. At kapag lilipat na kayo, isang maleta pa rin ang dala ninyo sa inyong paglipat.” Ganun ka-simple, ganun kahirap ang buhay ng maraming pari noong mga panahong iyon. Kapag nag-aral ang seminarista sa SASMA tulad ni Among Ed at Bai, tatanggapin nila ang pananaw at uri ng pamumuhay ng mga misyonaryong Society of the Divine Word (SVD) na nagpapalakad ng Paaralan ng Teolohiya para sa mga seminarista sa Tagaytay. Mga misyonero ang mga SVD. Kilala rin sila sa buhay na payak at maka-mahirap.

                  

Bago naging obispo si Padre Crispin Barquez at bago rin naging gobernador si Among Ed, sabay silang tumira at tumulong sa atin sa Parokya ng Banal na Sakripisyo sa UP Diliman. Kapwa nag-aral ang dalawang pari ng kani-kanilang kurso noong mga panahong iyon. Wala kaming kamalay-malay sa magiging takbo ng aming mga buhay. Sa UP nagsimula ang ating adbokasiyang “patakbo-takbo.” At pagkaraan ng ilang taon, nagpasyang tumakbo si Among Ed bilang gobernador ng Pampanga upang labanan ang dinastiya ng mga Jueteng Lord at Queen ng Pampanga. Pagkaraan naman ng ilang taon, nagulat at natuwa ang maraming tumanggap ng balita na si Padre Bai ay naging Obispo Bai (noong Agosto 2007) na ipinalit kay Obispo Leonardo Yuzon Medroso. Noong 2006, inilipat sa Tagbilaran si Bishop Medroso, kung kaya pinalitan ito ng bagong obispong Bai Barquez. Pabirong nabanggit ni Arsobispo Abet Uy, dating obispo ng Tagbilaran na ngayon ay Arsobispo ng Cebu. Kinailangang dumaan muna ng labing siyam (19) na taon bilang obispo ng Borongan sina Obispo Medroso at Obispo Bai bago sila ma-destino sa Tagbilaran. Matagal ang paghahandang kailangan para maging obispo ng Tagbilaran.

                  

Meron tayong mga kabigang pari sa Borongan na nagbabahagi ng malalim na epekto ng pamumuhay at paglilingkod ni Obispo Bai. Napakasimple at napakababa ng loob ng aming obispo. Mahirap maghanap ng obispong katulad niya. Malungkot na malungkot ang kaparian, mga relihiyoso at ang lahat ng mga layko sa Borongan sa paglipat at pag-alis ni Bishop Bai.

                  

Nang dumating tayo noong nakaraang Lunes sa Tagbilaran at tumuloy sa Cultural Center ng Tagbilaran, naabutan pa natin ang katapusan ng programa ng pagtanggap kay Obispo Bai ng Diyosesis ng Tagbilaran. Doon sa gitna, sa itaas ng entablado nakasulat ang dalawang salitang Latin, “Humilitas et Simplisitas.” Kababaang-loob at kapayakan. Ito ang diwa ng buhay at paglilingkod ng bagong obispo ng Diyosesis ng Tagbilaran. Kaya pala ganoon ang karanasan ng mga taga-Borongan sa kanilang dating obispo. Kaya pala nahihirapan silang bitiwan at palayain ang kanilang mahal at nagmahal sa kanilang obispo. Kuwento sa atin ng isang paring taga-Borongan, hindi namimili ng kakausapin si Obispo Bai. Malaki o maliit, mayaman o mahirap, kilala o walang pangalan, pareho, pantay at di nagbabago ang kanyang pakikitungo sa lahat. 

                  

Hinintay nating matapos ang buong programa, hanggang matapos na rin ang “picture taking” at pagse-selfie ng marami bago tayo umakyat sa entablado upang batiin ang kaibigang Bai na ngayon ay Obispo ng Diyosesis ng Tagbilaran. Nang umakyat tayo, niyakap natin ang dating seminarista, pari at ngayon ay Obispo Bai. Pakiramdam natin na sa kabila ng magagarang damit at suot obispo, sa mitra na isinusuot sa ulo bilang tanda ng awtoridad ng opisina ng Obispo at ang Bakulo o tungkod na tanda ng kanyang pagiging Pastol ng lahat sa Diyosesis, si Bai ay si Bai pa rin. Hindi nagbago. Hindi nag-asal obispo. Tumaas, lumaki at nag-iba ang tingin sa iba. Oo nga, at pinili siya ng Diyos na maging kinatawan ni Kristo at tanggapin ang kaganapan ng pagiging pari ni Kristo, si Bai pa rin. Igagalang siya hindi lang dahil sa kanyang bagong titulo. Igagalang siya at higit pa siyang gagalangin dahil si Bai ang nanatiling si Bai, mababa ang loob at payak na payak ang pamumuhay at pagkatao. Maraming maraming salamat at congrats po, Obispo Bai, congrats, kaibigan at kapatid na pari. Congrats Bai!!!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page