top of page
TALKIES - BIMBY, GUSTONG MAG-ASAWA NANG MAAGA PARA MAIHATID NINA KRIS AT BOY SA ALTAR_FB B

Hindi pasok sa weight requirement: Legal bang tanggalin ang flight attendant?

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
3 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 31, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Flight attendant po ako ng isang domestic airline. Ilang buwan na po akong hindi nakaaabot sa pamantayan sa timbang na itinakda ng kumpanya namin sa aming kontrata, dahil sa mga personal na dahilan na may kaugnayan sa aking kalusugan. Binigyan na ako ng ilang leaves at iba pang pagkakataon para maibaba ang aking timbang, pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin ito naaabot. Natatakot ako na baka tanggalin ako sa trabaho. Legal po ba na tanggalin ako dahil lang sa timbang ko, gayung mahusay naman ako sa trabaho bilang isang flight attendant? — Amaralyn





Dear Amaralyn, 


Para sa iyong kaalaman, sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Armando G. Yrasuegui vs. Philippine Airlines, Inc. (PAL) (G.R. No. 168081, Oktubre 17, 2008), sa panunulat ni Honorable Associate Justice Ruben T. Reyes.


Sa nasabing kaso, si Armando Yrasuegui, isang international flight steward, ay paulit-ulit na hindi nakaaabot sa pamantayan sa timbang na itinakda sa Cabin and Crew Administration Manual ng kumpanya, na nagtakda ng ideyal na timbang na 166 pounds para sa kanyang taas at balangkas ng katawan. Sa kabila ng maraming leaves, babala, at pagkakataong ibinigay sa kanya sa loob ng walong taon, nanatili siyang sobra sa timbang, kaya't tinanggal siya sa kanyang trabaho.


Iginiit ni Yrasuegui na labag sa batas ang kanyang pagkakatanggal, at hindi dapat ituring na sapat na dahilan ang labis na bigat sa ilalim ng Artikulo 282(e) ng Labor Code. Tinanggihan ng Korte Suprema ang posisyong ito at ipinaliwanag na ang pagsunod sa pamantayan sa timbang ay itinuturing na isang “bona fide occupational qualification” o BFOQ. Ibig sabihin nito, isang kwalipikasyon na direktang kaugnay at kinakailangan para sa maayos at ligtas na pagganap ng trabaho, lalo na sa larangan ng paglalakbay sa himpapawid kung saan mahalaga ang kaligtasan ng mga pasahero. Ayon sa Korte Suprema:


“Employment in particular jobs may not be limited to persons of a particular sex, religion, or national origin unless the employer can show that sex, religion, or national origin is an actual qualification for performing the job. The qualification is called a bona fide occupational qualification (BFOQ).


Similarly, in Star Paper Corporation v. Simbol, this Court held that in order to justify a BFOQ, the employer must prove that (1) the employment qualification is reasonably related to the essential operation of the job involved; and (2) that there is factual basis for believing that all or substantially all persons meeting the qualification would be unable to properly perform the duties of the job.”


Sa madaling salita, ang patuloy na hindi pagsunod sa isang makatwiran at may-kaugnayang pamantayan sa pagtatrabaho, tulad ng kinakailangang timbang para sa isang flight crew, ay maaaring maging sapat na batayan para sa legal na pagkakatanggal sa trabaho, dahil ito ay itinuturing na isang boluntaryong kundisyon na hindi dahil sa external na puwersang hindi nakokontrol ng empleyado.


Kaya naman, kung ang pamantayan sa timbang na itinakda sa iyo ay malinaw na nakasaad sa iyong kontrata sa trabaho o patakaran ng kumpanya, at direktang kaugnay sa kaligtasan ng iyong trabaho bilang flight attendant, maaaring maging legal na dahilan ng iyong pagkakatanggal ang patuloy na paglabag mo rito, matapos mabigyan ng makatwirang pagkakataon at tulong. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page