top of page
TALKIES - BIMBY, GUSTONG MAG-ASAWA NANG MAAGA PARA MAIHATID NINA KRIS AT BOY SA ALTAR_FB B

Mga vendor at maliliit na negosyante, kailangan din ng suporta

Writer: BULGAR
BULGAR
4 hours ago
4 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 31, 2026



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go


Alam natin ang bigat na nararamdaman ng maraming Pilipino sa araw-araw na gastusin. Mataas pa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin, nahihirapan silang pagkasyahin ang kanilang sahod. Ang iba, naghahanap pa rin ng trabaho o dagdag na pagkakakitaan upang matustusan ang pangangailangan ng pamilya.


Bilang inyong senador, mahalaga sa akin na magkaroon ng sapat na kita ang ating mga manggagawa, mas maraming oportunidad sa trabaho, at serbisyong pangkalusugan na abot-kaya ng bawat Pilipino.


Kaya naman inihain ko ang Senate Bill No. 175, o ang panukalang P100 Daily Minimum Wage Increase Act of 2025, na naglalayong magbigay ng dagdag na P100 sa arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa.


Sinuportahan ko rin ang resolusyon ng Senado na nananawagang maipatupad na ang naaprubahang P85 dagdag-sahod sa Metro Manila na naantala dahil sa temporary restraining order o TRO laban sa Wage Order No. NCR-27. Sinuportahan din natin ang bagong wage order ng DOLE para sa P60 daily wage increase sa Metro Manila. 


Sa pagdinig sa panukalang 2027 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong September 30, muli kong kinumusta ang kalagayan ng naantalang wage order. 


Ang apela ko noon pa sa mga mayayaman at malalaking negosyo, kung hindi naman ikalulugi ninyo, ipamahagi naman ninyo ang kita ninyo sa mga manggagawa ninyo.  


Mahalaga sa akin na walang nagugutom na sana, lalo na ang mga kababayan nating isang kahig, isang tuka. Bawat piso po ay napakahalaga para sa kanila para may pambili ng pagkain at may laman po ang kanilang tiyan sa araw-araw.


Kaya bukod sa dagdag-sahod, mahalaga rin na masuportahan natin ang mga kababayan nating kumakayod para may maiuwi lang para sa kanilang pamilya, katulad ng mga vendors. 


Kaya nga, sa bawat pag-ikot ko sa iba't ibang bahagi ng bansa para maghatid ng tulong sa abot ng aking makakaya, hindi ko rin nakakalimutan ang ating maliliit na negosyante at mga nagtitinda sa lansangan. Lagi ko ngang sinasabi at hinihikayat ang ating mga kababayan na tangkilikin ang sariling atin at suportahan ang mga maliliit na negosyanteng nagsisikap araw-araw.


Kabilang sa mga nakasalamuha at tinangkilik natin ang mga nagtitinda ng barbecue, hotdog, inihaw na tuna, at chicharon sa Barangay 76-A Bucana sa Davao City. Bumili tayo ng kanilang mga paninda at ibinahagi sa mga kababayan nating naroon. Maging sa Lupon, Davao Oriental, personal din tayong bumili ng mga produktong gaya ng puto, kutsinta, at biko mula sa isang local vendor. Nang binisita ko naman ang mga nasunugan sa Brgy. 75-A, Davao City, bumili rin ako ng panindang tuna sa isang vendor sa nasunugang lugar.


Sa ganitong simpleng paraan, nakatutulong tayo sa kanilang pang-araw-araw na kita. Kaya patuloy kong hinihikayat ang lahat na tangkilikin ang ating mga lokal na produkto at maliliit na negosyo. 


Samantala, noong October 20, personal nating binisita at binigyan ng karagdagang tulong ang 349 pamilyang nasunugan sa Tondo, Maynila.


Noong October 22, ikinagagalak din nating makasama at makausap si United States Ambassador to the Philippines Lee Lipton, kasama sina Senador Robin Padilla, Davao City Mayor Sebastian "Baste" Duterte, Vice Mayor Rodrigo "Rigo" Duterte II at ilang Councilors sa pagbisita ng Ambassador sa Davao City.


Sa araw ding iyon, nagsagawa rin tayo ng pamamahagi ng tulong sa 79 na nasunugan sa Barangay 76-A Bucana, sa pakikipag-ugnayan kina Councilor Ragde Ibuyan, Councilor Atty. Luna Acosta at Barangay Captain Richard Olanolan.


Noong October 23, nagpaabot din tayo ng tulong sa 500 barangay functionaries sa Lupon, Davao Oriental; 530 persons with disabilities (PWDs) sa San Isidro; at 500 kabataan, miyembro ng LGBTQ+ community, at massage therapists sa Mati City. Pagkatapos nito, nagtungo tayo sa Davao Oriental State University (DOrSU) Main Campus para sa inagurasyon ng newly renovated gymnasium, na ating sinuportahan bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance.


Noong October 24, nagkaroon din tayo ng pagkakataong makausap ang ilang estudyante at guro ng DOrSU Baganga Campus sa ating pagbisita sa Davao Oriental. Sa araw ding iyon, personal din tayong nagpaabot ng tulong sa 500 indigents sa Baganga. 


Nito namang October 26, pumunta ako sa Valencia City, Bukidnon upang dumalo sa pagbubukas ng Super Health Center doon sa paanyaya nina Mayor Amie Galario at Vice Mayor Cecil Galario. Namahagi rin tayo ng tulong sa ilang barangay health workers doon. 


Samantala, noong October 27, sa paanyaya ni Mayor Baste Duterte, dumalo rin tayo sa turnover ceremony ng Super Health Center sa Barangay Tibungco, Davao City, bilang bahagi ng ating patuloy na pagsusulong ng mas madaling access sa serbisyong pangkalusugan para sa ating mga kababayan. Nakibahagi rin tayo sa ribbon-cutting ceremony ng katabi nitong rehabilitation center para sa mga stroke patients.  


Nitong nakaraang linggo, personal din nating dinaluhan ang blessing at inauguration ng dalawa pang Super Health Centers na na-turnover na rin sa mga lokal na pamahalaan, kasama na ang sa Barangay Dumoy, Davao City noong October 22 at sa Baganga, Davao Oriental noong October 24. Kinatawan naman tayo ni Konsehal Che-Che Justol sa pagbabasbas at inagurasyon ng Super Health Center sa liblib na lugar ng Barangay Malabog sa Davao City. Namahagi rin tayo ng mga grocery packs para sa mga barangay health workers at volunteers.


Nitong October 28, personal tayong namahagi ng tulong sa 42 pamilyang nasunugan sa Brgy. 75-A Matina Aplaya sa Davao City sa pakikipagtulungan kay Kapitan Nestor Cirunay.


Samantala, patuloy din ang ating Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa mga nangangailangan. Kabilang dito ang mga nasunugan sa Puerto Prinsesa City; Zamboanga City, Carcar City sa Cebu, at Caloocan City.


Nagpaabot din ang ating Malasakit Team ng karagdagang tulong sa mga iskolar sa Roxas City, Capiz; Iloilo City; at Malangas, Zamboanga Sibugay.


Sa lahat ng ito, patuloy kong uunahin ang kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino, lalo na ang mga mahihirap at higit na nangangailangan ng tulong. Hangad ko na mas maraming kababayan natin ang magkaroon ng maayos na trabaho, sapat na kita, at access sa mga pangunahing serbisyo.


Patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!



Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page