Mga “akusado” sa pananaga at pananaksak, laya na; tunay na salarin, ‘di pa rin tukoy
- BULGAR

- 4 days ago
- 8 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | August 16, 2026
ISSUE #408
Maraming krimen sa ating lipunan ang pinaniniwalaang nag-ugat lamang sa pangkaraniwang alitan o hindi pagkakaunawaan. Mga isyung kadalasan ay hindi naman kalaliman at maaari sanang mapayapang naayos at nabigyan ng solusyon. Ngunit, sa kasamaang-palad, sadyang mayroong mga hindi pagkakaunawaan na umaabot sa karahasan, kung minsan pa ay sa kamatayan.
Ang kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kasong may pamagat na People of the Philippines vs. Roland Echalico Jimenez alyas “Tito” and Joel Ruisa Jimenez alyas “Inday” (Criminal Case No. 1143, January 14, 2014), sa panulat ni Hon. Gian C. Navarro, Acting Presiding Judge, Branch 28, Regional Trial Court, Mambajao, Camiguin.
Ito ay tungkol sa pagkakapaslang sa biktima na nagngangalang Pablo, na pinaniwalaan na siya ay pinaslang nina Tito at Inday, at nag-ugat ang krimen dahil lamang sa samaan ng loob at hindi pagkakaunawaan. Kalaunan ay inaresto ang dalawa at naharap sa kasong murder.
Batay sa Paratang na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Mambajao, Camiguin, pinagtulungan nina Tito at Inday, nang mayroong pagtataksil at intensyong pumaslang, na salakayin, tagain at saksakin si Pablo.
Naganap ang marahas na insidente alas-10:30 ng gabi noong ika-4 ng Mayo 2002, sa isang sitio sa Sagay, Camiguin. Nagtamo ng mga malulubhang sugat si Pablo na naging sanhi ng kagyat niyang pagkamatay.
Batay sa bersyon ng Tagausig, nakatanggap ng ulat ang Sagay Police Station kaugnay sa natagpuan na bangkay sa isang bahagi ng kalsada sa isang sitio sa Sagay, Camiguin. At kalaunan ay kinilala na si Pablo ang nakitang bangkay.
Ayon sa mga pulis na rumesponde sa naturang ulat, may bolo at kaluban ng kutsilyo na natagpuan malapit sa nasabing bangkay.
Sa karagdagang pag-iimbestiga, napag-alaman diumano ng mga pulis na matagal nang may samaan ng loob at alitan sa pagitan nina Pablo at Tito na nag-ugat lamang sa isang insidente kung saan pinagkakain ng kabayo ni Tito ang mga tanim ni Pablo. Napag-alaman din umano ng nag-imbestiga na si Tito lamang ang nakitang nagpunta sa tindahan kung saan huling nakitang nakipag-inuman si Pablo.
Bunsod ng mga nabanggit na impormasyon, inimbitahan si Tito sa himpilan ng pulis. Sa presensya umano ng kanyang ina at tiyuhin, kusang-loob na umamin diumano si Tito sa pananaga kay Pablo. Kusa rin umanong inamin ni Tito na si Inday naman ang sumaksak kay Pablo gamit ang isang kutsilyo. Ang mga nabanggit na pag-amin ay itinala sa blotter ng pulisya na pinirmahan diumano ni Tito, kasama ang kanyang ina at tiyuhin. Kusang-loob din umanong umamin si Inday sa pananaksak sa biktima.
Tumayo bilang saksi para sa Tagausig si Vicente. Diumano, nakikipag-inuman sa kanyang tindahan si Pablo bandang alas-8:00 ng gabi noong ika-4 ng Mayo 2002. Ilang sandali lamang ay dumating doon si Tito at bumili ng sigarilyo at alak. Napuna umano ni Vicente na may nakasukbit na bolo sa baywang ni Tito. Tinagayan diumano ng grupo ni Pablo si Tito at matapos ay umalis na rin ang huli.
Bandang alas-10 ng gabi ding iyon ay umalis na sa tindahan si Pablo. Makalipas ang ilang minuto, nakarinig diumano si Vicente at ang kanyang asawa ng mga sigaw na humihingi ng saklolo. Nakilala umano ng kanyang asawa na boses iyon ni Pablo. May isa pa umanong boses ng lalaki silang narinig na pinapaalis ang mga kumakahol na aso.
Gayunman, hindi na umano lumabas ang mag-asawa upang magsiyasat.
Kinaumagahan, nakita na lamang diumano ni Vicente ang wala nang buhay na katawan ni Pablo. Sa tabi nito ay may mga upos ng sigarilyo at kaluban ng kutsilyo. Iniugnay niya si Tito sa pamamaslang kay Pablo dahil sa alam niyang may alitan ang dalawa.
Ang naulilang maybahay ni Pablo na si Lilia ay tumayo rin bilang saksi para sa Tagausig. Sinabihan na umano siya ni Pablo na maging mapagmatyag dahil mayroon nang pagbabanta sa kanyang buhay, ngunit hindi umano binanggit ni Pablo kung sino ang nagbanta sa kanya. Nabanggit din umano ni Pablo na kung hindi na siya makauwi sa kanilang bahay ay nangangahulugan na siya ay pinaslang na. Tulad ni Vicente, iniugnay ni Lilia si Tito sa pamamaslang kay Pablo dahil sa matagal nang samaan ng loob sa pagitan ng dalawa.
Batay sa medikal na pagsusuri ni Dr. Arancel sa bangkay ni Pablo, nagtamo ang biktima ng isang sugat mula sa pagkakataga at tatlong saksak sa bahagi ng dibdib.
Mariin namang pinabulaanan nina Tito at Inday ang mga paratang laban sa kanila. Sa tulong at representasyon ng PAO-Camiguin District Office, iginiit ng mga akusado na, taliwas sa alegasyon at ebidensya ng Tagausig, wala silang ginawang kusang pag-amin o extra-judicial confession.
Sa parte ni Tito, hindi niya ikinaila na nagpunta siya sa tindahan ni Vicente alas-6:30 ng gabi noong ika-4 ng Mayo 2002 upang bumili ng sigarilyo at alak. Gayunman, agad diumano siyang umalis dahil kailangan pa niyang mangopra. Bandang alas-9:00 na ng gabi umano siya natapos sa kanyang gawain at nakauwi sa kanilang bahay.
Kinaumagahan na lamang niya nabalitaan na pinaslang si Pablo. Bagaman pumunta umano siya sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay, hindi siya nagtagal doon dahil mayroon pang iniutos sa kanya ang isang nagngangalang Floro na manguha ng tuba.
Habang abala siya sa pangunguha ng tuba, sinundo umano siya at pinauwi sa kanyang bahay dahil naghihintay diumano roon si Police Officer (PO) Pabatao. Pagkarating niya umano ng bahay, ipinaalam sa kanya ni PO Pabatao na may natagpuang bolo malapit sa bangkay ni Pablo at ipinakita ito sa kanya. Matapos ay sinabihan diumano siyang magpunta sa himpilan ng pulis.
Siya umano ay inimbestigahan sa himpilan nang walang kasamang abogado. Pinapirma rin umano siya sa isang dokumento nang hindi ipinaliwanag sa kanya kung ano ang nilalaman nito. Ginarantiyahan lamang umano siya na hindi siya makukulong kung pipirmahan niya ang naturang dokumento. Subalit, salungat sa ipinangako sa kanya, ikinulong diumano siya dahil siya ang suspek sa pamamaslang kay Pablo.
Diumano, dumating sa himpilan ng pulisya ang kanyang ina at sinabihan ng mga pulis na siya ay umamin na sa pamamaslang. Matapos ay pinapirma rin ang kanyang ina sa isang dokumento.
Pinatotohanan naman ni Inday ang ibinigay na testimonya ni Tito. Diumano, magkasama silang nangopra noong ika-4 ng Mayo 2002 sa Sagay, Camiguin. Kinaumagahan, nabalitaan niya ang tungkol sa pagkamatay ni Pablo. Subalit, laking gulat umano niya nang imbitahan siya sa himpilan ng pulis.
Dahil handa naman umano siyang makipagtulungan, pinaunlakan niya ang nasabing imbitasyon. Gayunman, mariin niyang itinanggi roon na sangkot siya sa insidente ng pamamaslang. Bagaman pinauwi umano siya, muli rin siyang pinabalik sa himpilan at pinapirma sa isang logbook nang hindi ipinaliwanag sa kanya kung ano ang nilalaman nito. Hindi rin niya umano naintindihan ang mga nakasaad doon sapagkat nakasulat sa wikang Ingles, gayung ikalimang baitang lamang ang kanyang inabot sa pag-aaral.
Masinsinang pinag-aralan ng hukuman ng paglilitis ang kasong inihain laban kina Tito at Inday. Sa pagdedesisyon, binigyang-diin ng RTC Mambajao, Camiguin ang pagkilala sa karapatan ng bawat taong pinaparatangan ng krimen alinsunod sa Section 12, paragraph 1, ng Artikulo III ng ating Saligang Batas. Ito ay ang maabisuhan ang bawat akusado sa kanilang karapatang manahimik at magkaroon ng independiyenteng abogado na kanilang pinili, o mabigyan ng isa kung wala silang kakayahang magbayad ng sariling abogado.
Hindi maaaring itanggi ang karapatang ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas maliban na lamang kung ang pagtatanggi ay ginawa nang nakasulat at sa presensya ng abogado. Pagpapaalala pa ng hukuman ng paglilitis, ang anumang pag-aming nakuha nang taliwas sa nabanggit na tuntunin ay hindi maaaring gamitin bilang ebidensya laban sa taong sinasabing umamin o umako sa krimen.
Naging kapuna-puna sa hukuman ng paglilitis na, sa kasong ito, sumailalim sina Tito at Inday hindi lamang sa pangkalahatang pag-uusisa kaugnay ng isang hindi pa nalulutas na krimen, kundi sa isang custodial investigation sapagkat nakatuon na sa kanilang dalawa ang imbestigasyon bilang mga partikular na suspek sa krimen.
Ang mga ipinukol ding tanong sa kanila ay may posibilidad na magdulot ng mga pahayag na nagpaparatang. Hindi rin nakaiwas sa mapanuring pagsusuri ng hukuman ng paglilitis ang katotohanang naganap ang naturang imbestigasyon nang walang abogado sina Tito at Inday.
Wala ring nakita sa tala ng kaso na naaangkop na naabisuhan ang dalawa o na sila ay pinayagang gamitin ang kanilang mga nabanggit na karapatan sa ilalim ng ating Saligang Batas bago at habang sila ay sumasailalim sa nasabing imbestigasyon. Wala rin namang indikasyon na may kakayahan ang dalawa na kumuha ng sarili nilang abogado o, kung ipagpapalagay man na wala silang kakayahan, na pinagkalooban sila ng abogado para sa nasabing imbestigasyon.
Ang mga pagkukulang na ito, para sa hukuman ng paglilitis ay lubhang nakaapekto sa admissibility ng sinasabing pagtatapat at pag-amin nina Tito at Inday sa krimen.
Pagpapaalala rin ng RTC Mambajao, Camiguin na ang bawat pag-amin o extra-judicial confession ay kinakailangang boluntaryo o kusang-loob na ginawa. Sa kasong ito, mariing itinanggi nina Tito at Inday ang alegasyon ng Tagausig na kusang-loob silang umamin sa pamamaslang kay Pablo.
Ipagpalagay man diumano ng hukuman ng paglilitis na boluntaryo nga ang pag-amin ng dalawa sa krimen, hindi naman naaangkop ang naganap na pag-amin sa tuntuning itinakda sa ilalim ng ating Saligang Batas sapagkat walang katibayan na naabisuhan ang dalawang akusado ukol sa kanilang mga karapatan o na sila ay inasistihan ng abogado bago at habang sila ay iniimbestigahan.
Kung kaya’t para sa RTC Mambajao, Camiguin, hindi maaaring gamitin bilang ebidensya laban kina Tito at Inday ang sinasabing ginawa at diumano’y pinirmahang pag-amin o extra-judicial confession noong sila ay nasa himpilan ng pulis.
Naging kapansin-pansin din sa hukuman ng paglilitis na walang nakasaksi sa mismong insidente ng pananaga at pananaksak kay Pablo. Ang ipinrisinta lamang ng Tagausig, maliban sa depektibong extra-judicial confession ng dalawang akusado ay mga circumstantial evidence tulad ng bolo, kaluban ng kutsilyo at mga upos ng sigarilyo na diumano’y natagpuan malapit sa bangkay ng biktima.
Gayunman, may pag-amin si PO Pabatao na walang nakitang mantsa ng dugo sa natagpuang bolo. Wala ring ipinrisinta ang Tagausig na nagpapatunay na si Inday ang may-ari ng kutsilyong ginamit sa pananaksak kay Pablo.
Salat din sa katibayan ang Tagausig na si Tito ang may-ari ng natagpuang bolo, o na iisa lamang ang bolo na nakita ni Vicente na nakasukbit sa baywang ni Tito noong bumili ito sa kanyang tindahan at ang nakita nito malapit sa bangkay ng biktima.
Maging ang mga upos ng sigarilyo na natagpuan malapit sa bangkay ni Pablo ay walang patunay na pareho ang mga ito sa tatak ng sigarilyong binili ni Tito sa tindahan ni Vicente.
Sa kabuuan, hindi sapat ang circumstantial evidence ng Tagausig upang itaguyod ang pagkakasala nina Tito at Inday nang higit sa makatuwirang pagdududa. Dahil dito, minarapat ng RTC Mambajao, Camiguin na igawad ang hatol na pagpapawalang-sala kina Tito at Inday.
Binigyang-linaw ng hukuman ng paglilitis na ang hatol na ito ay hindi nangangahulugan na ganap na inosente ang dalawa sa pamamaslang o na tiyak na hindi sila ang gumawa ng krimen. Bagkus, ang ibinabang hatol ng hukuman ay bunsod ng kakulangan sa ebidensya ng Tagausig.
Ipinahayag din ng RTC Mambajao, Camiguin ang kanilang lubos na pakikiramay sa mga naulila ni Pablo, kaakibat ang pagpapaalala na hindi maaaring hatulan ng pagkakasala ang mga akusado kung ang kanilang pagkakasala ay hindi naitaguyod alinsunod sa hinihingi ng ating batas—na lagpas sa makatuwirang pagdududa.
Lubos na nakalulungkot na kung totoo man na sina Tito at Inday nga ang pumaslang kay Pablo, at na ang insidente ay nag-ugat lamang sa simpleng alitan, ay hindi pa rin makamit ng kaluluwa ni Pablo ang katahimikan sa kabilang buhay.
Kung hindi man ang dalawang inakusahan ang totoong mga salarin, nawa’y usigin na ng konsensya ang totoong may-akda ng krimen at kusa nang magtapat alinsunod sa hinihingi ng ating batas.
Wala man sa mundong ito si Pablo, nararapat pa rin na makamit niya ang matagal nang hinihintay na hustisya.




Comments