top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Kailan nagiging cyber libel ang post laban sa opisyal?

Writer: BULGAR
BULGAR
10 minutes ago
2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 2, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nag-post po ako sa social media tungkol sa isang opisyal sa aming lugar dahil sa mga umano’y iregularidad at katiwalian sa kanyang pagganap ng tungkulin. Layunin ko lamang pong maipabatid ito sa publiko. Maaari po ba akong makasuhan ng cyber libel dahil dito?


— Rex





Dear Rex, 


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa mga kaugnay na desisyon ng ating Korte Suprema.


Sa kasong Jade Karla C. Tan vs. People of the Philippines (G.R. No. 265929, ika-13 ng Enero 2026, isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Jhosep Y. Lopez), nahatulan ng cyber libel ang akusado dahil sa kanyang mga online post laban sa isang incumbent mayor. Ayon sa mga post, inakusahan niya ang mayor ng katiwalian at umano’y paghingi ng “padulas” kaugnay ng pagkuha ng permit. Gayunman, pinawalang-sala siya ng Korte Suprema matapos nitong makita na hindi napatunayan beyond reasonable doubt ang aktwal na masamang hangarin.


Sa pagtalakay sa mas mataas na pamantayang ginagamit kapag ang pinatutungkulan ng umano’y mapanirang pahayag ay isang pampublikong opisyal, sinabi ng Korte Suprema na:


“Based on these principles, this Court has imposed a higher standard for criminal libel where the complainant is a public figure, particularly a public officer.” 


Ibig sabihin, kung ang pahayag ay tumutukoy sa isang pampublikong opisyal at may kaugnayan sa kanyang pagganap ng opisyal na tungkulin, hindi sapat ang simpleng pagpapalagay ng masamang hangarin (malice). Kailangang mapatunayan ng prosekusyon ang aktwal na masamang hangarin, o na ang pahayag ay ginawa nang may kaalaman na ito ay mali o may walang ingat na pagwawalang-bahala kung ito ay totoo o hindi.


Ang pamantayang ito ay nauna nang ipinaliwanag sa Claudio Daquer, Jr. vs. People of the Philippines (G.R. No. 206015, ika-30 ng Hunyo 2021, isinulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Marvic M.V.F. Leonen). Ayon sa Korte Suprema:


“It is the burden of the prosecution to prove actual malice, not the defense's to disprove.” 


Samakatuwid, maaari pa ring ireklamo ng cyber libel ang isang taong nag-post laban sa isang pampublikong opisyal. Gayunman, kung ang post ay tungkol sa opisyal na gawain ng naturang pampublikong opisyal, kailangang patunayan ng prosekusyon beyond reasonable doubt ang aktwal na masamang hangarin. 


Hindi naman ito nangangahulugan na maaaring basta gumawa o magpakalat ng maling paratang laban sa isang pampublikong opisyal. Mahalaga pa rin na ang pahayag ay tungkol sa kanyang opisyal na gawain at kung ano ang ipinakikita ng ebidensiya hinggil sa kaalaman at intensyon ng taong nag-post.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page