Kung hindi kilala ang mga magulang, ano ang citizenship ng isang foundling?

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 1, 2026

Dear Chief Acosta,
Isa akong volunteer sa isang ampunan. Nitong nakaraang linggo ay mayroong batang dinala sa amin. Sa ngayon ay hindi namin matukoy kung sino ang mga magulang ng nasabing bata at kung saan siya nanggaling, ngunit ang nasabing bata ay tila isang tisay at mukhang may lahing westerner. Kung hindi mahanap ang kanyang mga magulang, ano ang dapat na maging citizenship ng nasabing bata? Nais ko pong maliwanagan. Maraming salamat po.
— Lemuel Sagun
Dear Lemuel Sagun,
Ang Republic Act (R.A.) No. 11767, o mas kilala bilang Foundling Recognition and Protection Act, ay isang batas na naglalayong kilalanin, protektahan, at itaguyod ang mga karapatan at kapakanan ng mga foundlings sa Pilipinas. Itinatakda nito ang mga pamantayan at proseso para sa kanilang pagkilala, pagpaparehistro, at pagtiyak sa kanilang mga karapatan, kabilang ang kanilang pagkamamamayan. Ayon sa Section 5 nito:
"Section 5. Citizenship Status of a Foundling Found in the Philippines and/or in Philippine Embassies, Consulates and Territories Abroad. - A foundling found in the Philippines and/or in Philippine embassies, consulates and territories abroad is presumed a natural-born Filipino citizen regardless of the status or circumstances of birth. As a natural-born citizen of the Philippines, a foundling is accorded with rights and protections at the moment of birth equivalent to those belonging to such class of citizens whose citizenship does not need perfection or any further act.
The presumption of natural-born status of a foundling may not be impugned in any proceeding unless substantial proof of foreign parentage is shown. The natural-born status of a foundling shall not also be affected by the fact that the birth certificate was simulated, or that there was absence of a legal adoption process, or that there was inaction or delay in reporting, documenting, or registering a foundling.”
Samakatuwid, ang isang foundling na natagpuan sa Pilipinas ay itinuturing na isang natural-born Filipino citizen, at siya ay bibigyan ng lahat ng mga karapatan at proteksyon na nararapat para sa nasabing klasipikasyon ng pagka-Pilipino. Ang naturang pagpapalagay (presumption) na ito ay hindi maaaring kwestiyunin sa kahit na anong kaso, maliban na lamang kung may maipakikitang matibay na patunay ng pagiging dayuhan.
Upang sagutin ang iyong katanungan, ang batang dinala sa inyo ay maaaring ituring na isang natural-born na Pilipino, at ang pagpapalagay na ito ay hindi mababago, maliban na lamang kung may maipapakitang matibay na patunay ng pagiging dayuhan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments