Mga abusadong taxi drivers, panagutin

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 26, 2026

Parusahan ang mga tsuper na nananamantala sa mga pasahero, lalo na ngayong Undas na maraming Pilipino ang bibiyahe pauwi sa kani-kanilang probinsya upang dalawin at alalahanin ang mga yumaong mahal sa buhay.
Hindi dapat maging pagkakataon ang dagsa ng mga biyahero para maningil nang sobra, mamili ng pasahero o magpakita ng kawalang-galang sa mga taong umaasa lamang sa maayos at ligtas na transportasyon.
Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na maaaring masuspinde o makansela ang prangkisa ng mga taxi operator na lalabag sa umiiral na mga patakaran, kabilang ang overcharging, pagtangging magsakay at hindi paggalang sa mga pasahero.
Inaasahang aabot sa 1.9 milyon ang gagamit ng mga terminal ng bus at iba pang transportasyon sa Quezon City, Maynila, Pasay, Caloocan at Muntinlupa, gayundin sa iba pang himpilan ng biyahe, para sa paggunita ng araw ng mga Santo sa Nobyembre 1 at araw ng mga kaluluwa sa Nobyembre 2.
Bilang hakbang laban sa pang-aabuso, magpapadala ang LTFRB ng mga lihim na tagasuri o mystery riders upang subaybayan ang serbisyo ng mga taxi. Magsasagawa rin ito ng biglaan at random na inspeksiyon sa mga terminal. Babantayan din ng social media team ng ahensiya ang mga reklamo, viral post, mensahe, tag at tawag mula sa publiko.
Mahalaga ang mga hakbang na ito, pero hindi dapat hanggang babala at inspeksiyon lamang ang pagpapatupad ng batas. Kailangang mabilis na aksiyunan ang mga reklamo at panagutin ang mga mapatutunayang lumabag. Dapat ding maging madali para sa mga pasahero ang pagsusumite ng ebidensiya at pagsubaybay sa kanilang mga sumbong.
Samantala, lilimitahan ng Bureau of Immigration ang pag-apruba sa bakasyon ng mga tauhan nito upang matiyak na sapat ang bilang ng mga opisyal sa mga paliparan.
Maghahanda rin ito ng karagdagang personnel at maglalagay ng rapid response team na maaaring tumugon kapag kinakailangan. Sa Ninoy Aquino International Airport, inilunsad naman ng Philippine National Police–Aviation Security Group ang Oplan Kibits upang protektahan ang mga pasahero laban sa mga kawatan, salisi, budol-budol at iba pang mapagsamantala, kabilang ang ilegal na porterage, fixing at panghihingi ng pera sa pamamagitan ng pangungulit.
Sa ganitong panahon, hindi lamang trapiko at mahabang pila ang dapat paghandaan kundi pati ang mga taong maaaring manamantala sa pagod at pagmamadali ng mga biyahero. Ang Undas ay panahon ng pag-alala at pagsasama-sama ng pamilya, hindi pagkakataon para pagkakitaan ang pangangailangan ng kapwa.
Ang tunay na maayos na serbisyo ay nasusukat sa paggalang sa pasahero at sa pagpapatupad ng pananagutan. Dapat magtulungan ang mga ahensiya, transport operator at publiko upang matiyak na ligtas, patas at maayos ang biyahe ng bawat Pilipino. Walang dapat mawalan ng pera o masira ang pag-uwi dahil lamang sa mga taong inuuna ang pansariling pakinabang kaysa sa kapakanan ng bayan.





Comments