‘Pinas, gagastos ng P50M para lang sa utos ng ICC, alam kaya ni Trump ‘to??

ni Ka Ambo @Bistado | October 26, 2026

P50 milyon ang patong sa ulo ni Sen. Bato dela Rosa upang ipatupad ng Republika ng Pilipinas ang utos ng ICC.
Alam kaya ito ni US President Donald Trump?
-----$$$--
Darating sa Pilipinas si Trump sa kalagitnaan ng Nobyembre, may kaugnayan kaya ito?
Kailangan madakip si Senador Bato bago ang “pakikialam” ni Trump sa gobyerno ng Pilipinas.
-----$$$--
Kahit anong panig—dikta ng ICC o dikta man ng US, ito ay isang pang-aalipin sa Inang Bayan.
Ibig sabihin, inutil ang matataas na opisyal ng bansa upang protektahan o ipreserba ang soberanya ng Pilipinas.
-----$$$--
Hindi soberanya ang isyu sa malawakang protesta ng mga sibilyan sa France, Italy, Albania , Portugal at iba pang lugar sa Europe.
Ipinoprotesta nila ang mataas na presyo ng bilihin, maliit na suweldo at ibayong pagdarahop at pagsusulong ng giyera laban sa ibang bansa.
-----$$$--
SA Pilipinas, binabastos ang soberanya pero walang nagtatanggol kasabay ng ibayong pagdarahop.
Sinasabayan ito ng talamak na graft and corruption kung saan nilalabag mismo ang Konstitusyon, gamit mismo ang taunang budget process!
-----$$$--
DIRETSO ang pagbagsak ng ekonomiya dahil higit nang P63 ang palitan kada dolyar.
Kaliwa’t kanan ang tangkang pagpasok ng mga epektos ng illegal drugs, sigarilyo at mismo ng mga frozen goods na karaniwang kontaminado.
Inutil ang Aduana na nagpopropaganda ng “raid kuno” pero posibleng mas maraming bulto ng kontrabando ang pinalulusot.
-----$$$--
IMBES na saklolohan ang mga naghahanap-buhay nang marangal, paparusahan ng “buwis” at pagmumultahin ang pobreng milyun-milyong “digital creators.”
Imbes na solusyunan ang problema—ang oras, araw, enerhiya, resources at pondo ng gobyerno ay ginagamit na bengganza at pagpapabagsak sa kalaban sa pulitika.
-----$$$--
SUMASABAY dito ang nagliliyab na away ng mga “bunganga” sa China na imbes na pahupain ay pinag-aapoy pa.
Kailangan ng Pilipinas ng tulong ng ibang bansa—US, China, Japan, Australia o kahit pa Russia.
Hindi solusyon ang awayin ang China, bagkus ay isulong ang internasyonalismo, pakikipagkapwa-bansa, pero hindi dapat isakripisyo ang soberanya.
-----$$$--
KAAWA-AWA ang mga Pinoy.
Walang nangangahas na sumaklolo.
Magdasal tayo nang walang patid!
Kanya-kanya na lang tayo ng diskarte upang makasalba sa krisis next year!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.





Comments