top of page
BULGARY - JULIA, ‘DI TOTOONG BUNTIS, BALIK-SERYE-IG _montesjulia08.jpg

Mental health ng kabataan, ‘wag sanang dedmahin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | May 13, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa dami ng nangyayari sa bansa, tila masakit na itong isipin ng mga mamamayan, lalo na ang kabataan na araw-araw humaharap sa problema sa paaralan, social media pressure, pambubully, at samu’t saring abuso na madalas hindi agad napapansin ng mga nakakatanda. 


Kaya para sa marami, malaking hakbang ang ginawang pag-uugnay ng Department of Education (DepEd) sa mental health hotline ng National Center for Mental Health (NCMH) dahil ipinapakita nitong unti-unti nang kinikilala ng gobyerno na seryoso ang pinagdaraanan ng mga estudyante ngayon. 


Sa panahon na maraming kabataan ang tahimik na lumalaban sa depresyon, anxiety, at emotional stress, mahalagang may agarang matatakbuhan bago pa lumala ang sitwasyon.


Inilunsad ang mas pinaigting na sistema ng Learners TeleSafe Contact Center Helpline. Sa ilalim ng bagong setup, ang mga estudyanteng makakaranas ng bullying, pang-aabuso, o matinding emotional distress ay maaari nang direktang maiugnay sa mga espesyalista ng National Center for Mental Health para sa agarang crisis intervention at psychological support.


Maaaring kontakin ang helpline sa #33733 o 09451759777, email na weprotectlearners@deped.gov.ph, at maging sa Viber. Sa tulong ng contact center technology ng PLDT Inc., mas mapapabilis na umano ang pagresponde sa mga kabataang nangangailangan ng tulong. Bukod dito, may mga Learner Rights and Protection officers din sa mga paaralan na magsasagawa ng agarang assessment at paggabay sa mga estudyanteng may mabibigat na pinagdaraanan.


Mayroon ding Learner Support Centers sa ilang pampublikong paaralan kung saan pinagsasama ang guidance centers, teen centers, at protection desks para mas madaling makalapit ang mga kabataan. Kasama rin dito ang Peer Hubs na binubuo ng mga estudyanteng sinanay ng MentorHealth Philippines at Ateneo de Manila University upang magbigay ng peer support at referral assistance sa kanilang kapwa mag-aaral.


Hindi lang ito simpleng hotline kundi simbolo ito ng lumalaking pangangailangan ng bansa na seryosohin ang mental health crisis ng kabataan. Sa dami ng kaso ng self-harm, depresyon, at bullying na nauuwi sa trahedya, malinaw na hindi sapat ang simpleng payo lamang na “magpakatatag”, Kailangan ng konkretong suporta, mabilis na aksyon, at mga taong handang makinig.


Magandang paalala ang programang ito na ang mental health ay hindi luho kundi pangunahing pangangailangan. Kapag mas inalagaan ang isip at damdamin ng kabataan, mas magiging matatag din ang kinabukasan ng buong bansa. Ang tunay na malasakit ay hindi lamang nakikita sa mga proyekto kundi sa kakayahang damayan ang mga taong tahimik na nasasaktan. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page