Mental health ng kabataan, ‘wag ipagsawalang-bahala
- BULGAR

- Jun 28
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | June 28, 2026

Sa panahon ngayon na dumarami ang kabataang nakararanas ng matinding stress, depresyon, at iba pang suliraning pangkaisipan, hindi ba’t mas makabubuting pigilan ang paglala ng problema kaysa hintaying humantong ito sa krisis?
Ito ang mahalagang mensahe sa likod ng Project SINAG, isang inisyatibong inilunsad ng Commission on Higher Education (CHED) at University of the Philippines (UP) Manila upang palakasin ang mental health support sa mga kolehiyo at unibersidad sa buong bansa.
Sa ilalim ng programang “Sulong Institusyon sa Napapanahong Aksyon at Ginhawa” o Project SINAG, sasanayin ang 724 campus leaders mula sa 181 state universities and colleges at local universities and colleges. Bawat paaralan ay magpapadala ng apat na kinatawan na isasailalim sa isang taong online training upang maisama ang mental health awareness at support system sa mga polisiya, silid-aralan, at serbisyo para sa mga estudyante.
Mahalaga ang hakbang na ito dahil ayon sa 2024 National Survey on Mental Health and Well-Being, ang mga nasa edad 18 hanggang 34 ay hanggang tatlong beses na mas malamang magkaroon ng major depressive disorder kumpara sa mas nakatatandang edad. Ipinapakita nito na seryoso ang hamon sa kalusugang pangkaisipan ng kabataan, lalo na sa gitna ng mga problemang dulot ng pag-aaral, pamilya, ekonomiya, at mabilis na pagbabago ng lipunan.
Hindi tulad ng karaniwang programa na kumikilos lamang kapag may emergency, nakatuon ang Project SINAG sa prevention at maagang interbensyon. Layunin nitong matukoy agad ang mga senyales ng problema upang mabigyan ng tamang suporta bago pa ito lumala. Kabilang dito ang Integrated Layered Referral System na nagsasaayos ng antas ng tulong na kailangan ng bawat estudyante, mula sa simpleng emotional support hanggang sa espesyal na pangangalaga mula sa mga eksperto.
Kapansin-pansin din ang paggamit ng Biopsychosocial Spiritual framework, na kumikilala na ang mental health ay hindi lamang usaping medikal. Nakakaapekto rin dito ang pamilya, komunidad, kultura, personal na karanasan, at maging ang espiritwal na paniniwala ng isang tao. Ipinunto rin ng mga opisyal ng UP na mahalaga ang pagbuo ng mga campus na may malasakit, pag-unawa, at pagkilala sa dignidad ng bawat mag-aaral.
Ang programang ito ay hindi lamang para sa mga estudyante. Isa itong paalala na ang mental health ay responsibilidad ng buong komunidad. Kung mas maraming paaralan ang magiging ligtas na espasyo para sa kabataan, mas malaki ang posibilidad na magkaroon tayo ng mas matatag, produktibo, at malusog na mamamayan sa hinaharap.
Mahalagang maunawaan na ang pag-aalaga sa isip ay kasing halaga ng pag-aalaga sa katawan. Ang tunay na tagumpay ng edukasyon ay hindi lamang nasusukat sa mataas na marka o diploma, kundi sa kakayahang makabuo ng mga indibidwal na may matatag na kaisipan, malasakit sa kapwa, at sapat na lakas upang harapin ang mga hamon ng buhay.





Comments