top of page
Pinoy Big Brother Collab 3.0 - YT.jpg

Mataas na singil sa padala ng OFW, dapat nang bawasan

Writer: BULGAR
BULGAR
29 minutes ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 23, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa bawat padalang perang ipinadadala ng mga OFWs sa kanilang pamilya, may katumbas na pagod, sakripisyo at panahong malayo sila sa kanilang mga mahal sa buhay.


Kaya nakapanghihinayang kung malaking bahagi ng kanilang pinaghirapan ay nababawasan pa dahil sa mataas na bayarin sa pagpapadala ng pera. Sa halip na mapunta sa pagkain, edukasyon at iba pang pangangailangan ng pamilya, napupunta ito sa mga singil na maaari namang mapababa.


Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, mahalagang mabigyan ng proteksiyon ang perang ipinadadala ng mga OFW. Malaking tulong ang bawat pisong matitipid nila dahil direktang nakaaapekto ito sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya sa Pilipinas.


Batay sa ulat ng World Bank, umaabot sa 6.36 porsiyento ang karaniwang bayarin sa pagpapadala ng pera sa buong mundo. Mas mabigat pa ang singil kapag sa pamamagitan ng mga bangko, na may average na 14.99 porsiyento. Malaking halaga ito para sa mga manggagawang ilang buwan o taon na nagtitiis sa ibang bansa upang masuportahan ang kanilang mga mahal sa buhay.


Dahil dito, inihain sa Kongreso ang House Bill No. 8615 o OFWs Remittance Protection Act. Layunin nitong limitahan ang mataas na remittance fees at pigilan ang mga nakatagong singil ng mga kumpanyang nagbibigay ng serbisyo sa pagpapadala ng pera.


Ipinapanukala rin ang mas mahigpit na pangangasiwa ng Department of Finance, Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Migrant Workers upang matiyak na makatarungan at malinaw ang mga bayarin.


May nakalaan ding parusa sa mga lalabag, kabilang ang pagkakakulong at multang mula P50,000 hanggang P750,000. Bukod dito, isinusulong ang libreng edukasyong pinansyal para sa mga OFW at kanilang pamilya upang matulungan silang mas maayos na pamahalaan at mapangalagaan ang kanilang kinikita.


Dapat pabilisin ng Kongreso ang pagtalakay sa panukalang ito. Hindi sapat na kilalanin lamang ang malaking ambag ng mga OFW sa ekonomiya, kailangang tiyakin ding hindi sila napapabigatan ng mga bayaring maaaring maiwasan o mabawasan.


Ang perang ipinapadala ng mga OFW ay hindi basta remittance lamang. Ito ay katumbas ng pagkain sa hapag, pambayad sa matrikula, gamot ng magulang at pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga anak. Kaya nararapat lamang na mapunta sa kanilang pamilya ang mas malaking bahagi ng pinaghirapan nila. Panahon nang unahin ang kapakanan ng mga OFW at huwag hayaang mabawasan ang halaga ng kanilang sakripisyo dahil sa labis na singil.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page