Mas mahigpit na beripikasyon sa ride-hailing services
- BULGAR

- Jul 21
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | July 21, 2026

Sa bawat biyahe ng mga motorcycle taxi rider ay hindi lamang kita ang nakataya kundi pati ang kanilang buhay. Matagal nang nakatuon ang mga safety feature ng ride-hailing services sa proteksyon ng mga pasahero, ngunit ipinakita ng magkakasunod na krimen na panahon na ring bigyan ng kaparehong antas ng seguridad ang mga rider na araw-araw na nagsisilbi sa publiko.
Kumikilos na ang Philippine National Police (PNP) upang makipag-ugnayan sa mga ride-hailing companies at iba pang ahensya ng pamahalaan para palakasin ang mga hakbang na magbibigay ng mas mataas na antas ng proteksyon sa mga motorcycle taxi rider. Ayon sa PNP, layunin ng kanilang pakikipagpulong na makabuo ng mga preventive at proactive na hakbang upang maiwasan ang mga krimen bago pa ito mangyari, sa halip na umasa lamang sa pagresolba ng mga kaso matapos ang insidente.
Isa sa mga pangunahing isinusulong ng PNP ay ang mas mahigpit na pagberipika sa pagkakakilanlan ng mga pasaherong gumagamit ng booking applications. Naniniwala ang pulisya na mahalagang matiyak ang tunay na identidad at pagiging lehitimo ng bawat nagbu-book upang mabawasan ang panganib na malagay sa alanganin ang mga rider habang nasa biyahe.
Ang pagpapalakas ng seguridad ay isinulong matapos ang dalawang magkahiwalay na insidente ng pagpatay sa motorcycle taxi riders. Noong Hulyo 14, isang rider ang pinagnakawan at sinaksak ng ice pick ng kanyang pasahero. Kinabukasan naman, isa pang rider ang pinaslang matapos umanong holdapin ng pasaherong nag-book ng biyahe mula Maynila patungong Cavite. Bukod sa pagpatay, inakusahan din ang suspek na nangikil ng pera mula sa asawa at kapatid ng biktima.
Iniulat ng PNP na nasa kanilang kustodiya na ang dalawang suspek na sangkot sa magkahiwalay na krimen at nahaharap na sa kaukulang kaso. Patuloy rin ang imbestigasyon habang pinaigting ang police operations upang mapanagot ang mga responsable.
Malaki ang papel ng motorcycle taxi riders sa pang-araw-araw na buhay ng maraming Pilipino dahil sila ang nagsisilbing mabilis at maaasahang transportasyon ng libu-libong pasahero. Dahil dito, hindi lamang kapakanan ng mga rider ang nakataya kundi maging ang tiwala ng publiko sa kaligtasan ng mga serbisyong kanilang ginagamit.
Mahalagang maisakatuparan agad ang mas mahigpit na sistema ng seguridad, kabilang ang mas maayos na identity verification, mas mabilis na koordinasyon sa pagitan ng mga kumpanya at awtoridad, at paggamit ng makabagong teknolohiya upang matukoy ang mga kahina-hinalang booking. Hindi dapat maging normal na bahagi ng trabaho ng isang rider ang panganib na hindi na siya makauwi sa kanyang pamilya.
Ang pagprotekta sa mga motorcycle taxi rider ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan at mga ride-hailing company. Isa rin itong usapin ng malasakit sa mga manggagawang nagsisikap kumita nang marangal para sa kanilang pamilya. Kung magiging mas ligtas ang bawat biyahe, mas magiging panatag din ang mga pasahero at mas mapapalakas ang tiwala ng taumbayan sa sistemang dapat ay nagbabantay sa kapakanan ng lahat.





Comments