top of page

Maruming hangin, dagdag-pahirap sa araw-araw na pamumuhay

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 19, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sumasabay sa init ng panahon ang panibagong panganib na maaaring maging banta sa taumbayan, hindi lang sikat ng araw ang kalaban ngayon kundi maruming hanging unti-unting sumisira sa kalusugan. 


Sa gitna ng hirap ng buhay, dagdag pasanin pa ang polusyon na direktang tinatamaan ang mga komyuter, manggagawa, estudyante at pamilyang walang takas sa usok at alikabok.


Muling naitala ang hindi magandang kalidad ng hangin sa ilang bahagi ng Metro Manila nitong umaga ng Biyernes, Abril 17, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Sa monitoring ng DENR-Environmental Management Bureau para sa Particulate Matter 2.5 o PM2.5, umabot sa air quality index na 189 sa Punturin, sa Valenzuela City, antas na itinuturing na “unhealthy.”


Hindi lamang Valenzuela ang apektado. Naitala rin ang maruming hangin sa Commonwealth Avenue at loob ng Ateneo de Manila University campus sa Quezon City, gayundin sa Marikina, Malabon at Caloocan. Pagsapit ng tanghali, nanatili ang kaparehong kondisyon sa mga nabanggit na lugar.


Ayon sa mga eksperto, mapanganib ang PM2.5 dahil napakaliit ng particles nito at kayang pumasok nang malalim sa baga hanggang makarating sa daluyan ng dugo. Maaari itong magdulot ng ubo, hika, hirap sa paghinga, iritasyon sa mata at mas seryosong sakit lalo na sa mga bata, senior citizen at may dati nang karamdaman.


Iniuugnay ng mga otoridad ang maruming hangin sa nagpapatuloy na sunog sa Navotas Sanitary Landfill na sumiklab noong Abril 10. Tinatayang aabot sa 80 porsyento ng lugar ang apektado. Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), wala pang tiyak na petsa kung kailan tuluyang maaapula ang sunog dahil sa methane gas buildup na nagpapalala sa sitwasyon.


Dagdag naman ng Department of Health (DOH), nagpadala na ng face masks, vitamins, konsultasyon, at mga gamot para sa ubo at hika sa mga apektadong komunidad. 

Pinayuhan din ang publiko na manatili muna sa loob ng bahay kung maaari, magsuot ng N95 mask kapag lalabas, isara ang pinto at bintana, takpan ang siwang gamit ang basang tela, at gumamit ng headlight kapag mababa ang visibility sa gabi. Maaari ring tumawag sa 911 kung may emergency.


Ipinapakita ng pangyayaring ito na ang usapin sa basura ay hindi lang tungkol sa tambak ng kalat kundi usapin ng kalusugan at kaligtasan ng mamamayan. Kapag napabayaan ang waste management, buong lungsod ang sumasalo sa epekto nito.


Dapat maging babala ito sa pamahalaan at publiko na ang kapabayaan sa kapaligiran ay bumabalik bilang sakit at peligro. Ang malinis na hangin ay hindi luho ng iilan kundi karapatan ng bawat Pinoy, kaya nararapat itong bantayan at ipaglaban. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page