top of page
Sen. Robin Padilla - FB.jpg

Malawakang iregularidad sa mga ospital, dapat agarang imbestigahan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | May 12, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Hanggang kailan kaya mananatiling tahimik ang publiko sa tuwing may lumalabas na alegasyon ng iregularidad sa mga pampublikong ospital, lalo na kung buhay at kalusugan ng mamamayan ang direktang naaapektuhan nito? 


Kapag usapin na ng pondo para sa ospital, appointments ng mga opisyal, at procurement ng mahahalagang proyekto, hindi na ito simpleng intriga sa loob ng ahensya kundi isyung may direktang epekto sa ordinaryong Pinoy na umaasa sa maayos na serbisyong medikal.


Umani ng panawagan para sa maayos na imbestigasyon ang mga alegasyong ibinunyag umano ng ilang medical personnel at empleyado mula sa mga pampublikong ospital sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Cordillera. 


Ayon sa mga nagpakilalang doctors, nurses, at administrative staff, mayroon umanong umiiral na “network of influence” sa loob ng Department of Health (DOH) na nakaaapekto sa appointments ng ilang opisyal at nagpapatupad ng infrastructure at procurement projects sa ilang regional hospital sa Northern Luzon.


Kabilang sa nais nilang mabusisi ang proseso ng pagtatalaga ng mga officer-in-charge at medical chief, pati ang paggamit ng pondo sa ilang proyekto sa mga ospital. 


Nadawit din sa usapin ang Health Facilities Enhancement Program (HFEP) at Promotion and Selection Board ng DOH dahil umano sa malaking impluwensya ng ilang opisyal sa mga desisyon kaugnay ng proyekto at appointments. Gayunman, aminado rin ang mga complainant na wala pa silang inilalabas na dokumentong direktang magpapatunay sa mga alegasyon.


May mga empleyado ring nagpahayag ng pangamba sa patuloy na paglalaan ng malaking pondo para sa infrastructure projects, kabilang ang tinatayang P200 milyong pondo sa ilalim ng HFEP. Dahil dito, nananawagan sila ng financial at administrative audit, kasama na ang lifestyle checks sa mga opisyal na inuugnay sa kontrobersya.


Sensitibo ang ganitong usapin dahil ang pondong ginagamit sa mga ospital ay mula rin sa buwis ng taumbayan. Kapag may bahid ng pagdududa sa paggamit nito, natural lamang na manawagan ang publiko ng transparency at accountability. Hindi lang ito laban ng mga empleyado sa loob ng ospital kundi laban din ng mga pasyenteng naghihintay ng maayos na pasilidad, sapat na gamot, at mabilis na serbisyo.


Mahalagang magkaroon ng patas at malalim na imbestigasyon upang luminaw kung may katotohanan nga ba sa mga paratang o kung isa lamang itong panloob na sigalot sa sistema. Ngunit anuman ang maging resulta, malinaw na kailangan ng mas mahigpit na pagbabantay sa paggastos ng pondo at pagpili ng mga opisyal sa pampublikong ospital. Kapag nasira ang tiwala ng taumbayan sa sistemang pangkalusugan, hindi lamang reputasyon ng mga ahensya ang apektado kundi pati kumpiyansa ng mga Pilipino sa serbisyong dapat sana’y nagliligtas ng buhay. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page