Malasakit sa komyuter, dapat pang-forever, ‘di lang ‘pag may bisita

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 6, 2026

Sa gitna ng mataas na pamasahe at araw-araw na gastusin, malaking ginhawa sa mga komyuter ang libreng sakay, kahit pansamantala lamang.
Hindi man nito tuluyang masolusyunan ang problema sa transportasyon, makatutulong ang ganitong serbisyo upang mabawasan ang gastos ng mga manggagawa, estudyante at iba pang umaasa sa pampublikong sasakyan. Gayunman, dapat tiyakin na hindi lamang ito pansamantalang pakulo para sa isang malaking pagtitipon, kundi maging paalala na kailangan ng mas abot-kaya at maayos na transportasyon sa bansa.
Bilang bahagi ng paghahanda sa ika-49 na Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Meetings, magbibigay ng libreng sakay ang pamahalaan gamit ang mga modernong jeepney sa piling bahagi ng Metro Manila mula Nobyembre 5 hanggang 14, 2026.
Pinangunahan ng Department of Tourism (DOT) at Department of Transportation (DOTr) ang inisyatibang ito upang makatulong sa mga pasahero at maipakita rin ang mga atraksyong panturismo ng Pilipinas.
Aabot sa 30 modernong jeepney ang ilalaan sa dalawang pangunahing ruta. 15 sasakyan ang bibiyahe sa North Route mula SM Fairview hanggang Buendia, habang ang natitirang 15 ay magsisilbi sa South Route mula Sucat hanggang Baclaran.
Parehong tatakbo ang dalawang ruta mula alas-4 ng madaling-araw hanggang alas-10 ng gabi araw-araw. Magkakaroon ng walong one-way trips ang North Route at 10 naman sa South Route. Nakatakda ring palamutian ang mga jeepney ng mga kilalang pasyalan sa bansa upang maisulong ang turismo at maipakilala ang yaman ng kulturang Pilipino sa mga makakasakay at makakakita sa mga ito.
Samantala, idineklara nang special non-working days ang Nobyembre 16 hanggang 18 dahil sa pagho-host ng Pilipinas sa naturang pagtitipon. Gaganapin ang pangunahing mga aktibidad sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Maganda ang layuning magbigay ng libreng sakay, lalo na sa mga mamamayang araw-araw na naglalaan ng malaking bahagi ng kanilang kita para lamang makapasok sa trabaho o makarating sa paaralan. Subalit mahalagang maging malinaw sa publiko ang mga ruta, iskedyul at iba pang patakaran upang mapakinabangan ito nang husto.
Higit sa lahat, hindi dapat matapos sa 10 araw ang malasakit sa mga komyuter. Kung kayang maglaan ng libreng serbisyo para sa isang mahalagang pagtitipon, dapat ding pag-isipan kung paano mapapabuti ang pang-araw-araw na biyahe ng ordinaryong Pilipino.
Ang tunay na sukatan ng maayos na transportasyon ay hindi lamang ang maayos na pagdating ng mga delegado at bisita sa kanilang destinasyon, kundi ang ligtas, maaasahan at abot-kayang paglalakbay ng bawat mamamayan. Dapat maramdaman ng taumbayan ang serbisyong ito kahit walang summit na ipinagdiriwang.




Comments