Sina Cong. Sandro at Cong. Mikaela na ba ang 'bagong Martin Romualdez at Zaldy Co' ng Kamara?!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 5, 2026

TOP 1 AT TOP 2 SINA CONG. SANDRO MARCOS AT CONG. MIKAELA SUANSING NA MAY MALAKING BUDGET INSERTIONS SA DPWH, KAYA ANG TANONG: SILA NA BA ANG 'BAGONG MARTIN ROMUALDEZ AT ZALDY CO' NG KAMARA? — Ibinulgar ng People's Budget Coalition (PBC) na sa mga kongresista ay si House Majority Leader, Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang top 1 na may budget insertions na P4.74 billion sa Department of Public Works and Highways (DPWH), at top 2 naman si House Appropriation chairperson, Nueva Ecija 1st Dist. Rep, Mikaela Suansing na may budget insertion na 3.86 billion din sa ahensiya.
Aba'y dapat idetalye nina Cong. Sandro at Cong, Mikaela kung anu-anong mga proyekto ang pinaglaanan nila ng bilyun-bilyong insertion nila sa DPWH, kasi kung hindi ay posibleng mabansagan sila na sila na ang mga "bagong Martin Romualdez at Zaldy Co" ng Kamara, boom!
XXX
DAPAT IMBESTIGAHAN NG SENADO ANG ISYUNG NAKALALABAS NG KANYANG KULUNGAN SI CONG. ROMUALDEZ — Dapat imbestigahan ng Senado ang ibinulgar ni veteran journalist Ramon Tulfo na sa gabi ay nakakalabas ng kanyang kulungan sa Quezon City Jail at nakakauwi sa kanilang bahay si Leyte 1st Dist. Rep., former Speaker Martin Romualdez na nahaharap sa kasong plunder sa Sandiganbayan.
Bagamat itinanggi na ng Bureau of Jail, Management and Penology (BJMP) ang isyu, eh sa totoo lang, madali lang naman mag-deny at para malaman ang katotohanan sa ibinulgar ni Mon Tulfo, dapat imbestigahan ito ng Senado, period!
XXX
BATAS NA NILAGDAAN NI GMA NOONG YEAR 2009 ANG NAGPAHAMAK PALA KINA FPRRD AT SEN. DELA ROSA — Kinontra ni Atty. Gilbert Andres, isa sa mga abogado ng mga extra-judicial killings (EJK) victims ang sinabi ni Atty. Israelito Torreon, abogado ni Sen. Ronald Dela Rosa na dapat aprubahan muna ng local court ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) bago ito isilbi sa senador.
Sabi ni Atty. Andres na base sa section 17 ng Republic Act 9851 na may kinalaman sa international humanitarian law na pinagtibay ng noo'y President Gloria Macapagal-Arroyo, noong December 2009 ay hindi na kailangan dumaan sa local court ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) at nangyari na raw ang ganyan sa kaso ni former President Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) na inaresto ng kapulisan at naikulong sa ICC jail kahit walang pahintulot ng Supreme Court (SC).
Kung ganun, 'yan palang batas na nilagdaan noon ni GMA ang siyang nagpahamak daw kay FPRRD at maging kay Sen. Dela Rosa, boom!





Comments