top of page
BIDA - SARAH, NAMAMAGA NA ANG MUKHA, OBYUS NA BUNTIS_FB Sarah Geronimo.jpeg

P500B Maharlika Fund, kumikita ba? Nalulugi? Wala na?!

Writer: BULGAR
BULGAR
11 hours ago
2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 6, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


PAG-ATRAS NI DEAN SARMIENTO BILANG UNANG TESTIGO NG DEFENSE TEAM, TIYAK MASAKIT ITO SA DAMDAMIN NI VP SARA — Hindi man aminin, tiyak nasaktan ang damdamin ni Vice President Sara Duterte nang umatras si Professor, former University of St. La Salle (Bacolod) Dean Ralph Sarmiento bilang unang testigo ng defense team.


May mga post kasi si Dean Sarmiento sa social media na nagtatanggol sa mga bank accounts, negosyo at ari-arian ng Bise Presidente at mister na si Atty. Mans Carpio, kung kaya't kinuha siya na gawing unang testigo ng defense team sa impeachment court, pero ang masaklap nga lang, tumanggi ito at sinabing nais daw niyang manatiling independent.


Inakala siyempre ni VP Sara na isa si Dean Sarmiento sa magtatanggol sa kanya sa pagbubukas uli ng impeachment trial sa Nov. 9, 2026, pero hindi nangyari, at dahil d’yan, lumalabas na ang suporta lang pala nito sa Bise Presidente ay pang-social media lang at hindi pang-impeachment court, period!


XXX


DAPAT IMBESTIGAHAN NG SENADO KUNG ANO NA ANG NANGYARI SA MAHARLIKA INVESTMENT FUNDS — Iba't ibang sektor ng lipunan ang tumutol noon sa paglalaan ng Marcos administration ng P500 billion para sa Maharlika Investment Fund (MIF) kasi nga baka raw malugi ang gobyerno sa mga papasukin nitong investment, pero dahil kagustuhan ito ni President Ferdinand Marcos Jr., ito ay natuloy noong July 2023.


Naitatag ang Maharlika Investment Corporation at ang naitalagang mamuno rito ay si businessman Rafael Consing.


Ang tanong: Anong nangyari sa P500B pondo ng Maharlika Investment Corporation kasi halos tatlong taon na ang nakakalipas ay wala nang balita rito.


Dapat imbestigahan ito ng Senado para malaman ng taumbayan kung kumikita ba o bangkarote na ang Maharlika Investment Corporation, boom!


XXX


STRIKE 2 NA SI MON TULFO SA FAKE NEWS — Kinumpirma ni veteran journalist Ramon Tulfo na na-fake news siya sa pinost niya sa social media na labas-masok umano sa Quezon City jail si Leyte 1st Dist. Rep. Martin Romualdez.


Ikalawa na ‘yan sa pag-amin ni Mon Tulfo na na-fake news siya kasi noon ay inamin din niya na na-fake news din siya sa ipinost niya sa social media na nagtungo raw sa Laos si Vice President Sara, isang araw bago may nahuling Pinoy sa drug shipment sa Laos.


Dapat maging maingat na si Mon Tulfo sa mga ipino-post niya sa social media kasi strike 2 na siya sa pagfi-fake news, at kapag tumatlo pa siya, malamang ang magiging tawag na sa kanya imbes na veteran journalist ay mapalitan ng fake news vlogger, period!


XXX


CONG. ROMUALDEZ, MAY SARILING STAFF SA CITY JAIL — Sa pagharap ni Quezon City Jail Warden, Supt. Ma. Lourdes Pacion sa Sandiganbayan ay inamin nito na may isang personal staff daw si Cong. Romualdez na nagbabantay sa kanya sa city jail sa kadahilanang hindi stable ang kondisyon ng kalusugan ng kongresista.


Mali 'yan, kasi dapat ang nasa kulungan lang ay ang may kaso at hindi dapat na pinapayagan na may isang sibilyan na wala namang kaso ang nasa city jail para lang magbantay sa isang preso.


Eh, kung hahayaan pa rin ni Warden Pacion na may sariling staff si Cong. Romualdez sa loob ng city jail, ay dapat ipatupad ito sa lahat, na ‘ika nga, "sana all" na mga preso may sariling staff sa QC jail, boom!



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page