Likes at followers, hindi lisensiya sa pang-aapi sa mga PWDs

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | October 17, 2026

Hindi dapat ipagwalang-bahala ang pangungutya sa mga taong may autism at iba pang kondisyon sa kalusugang pangkaisipan, lalo na kung ginagamit ito para magpasikat, magpatawa at makahakot ng views sa social media.
Hindi dapat gawing katatawanan ang kalagayan ng isang tao para lamang sumikat ang isang programa, dahil ang bawat panlalait ay maaaring magpalala sa diskriminasyong matagal nang nararanasan ng mga taong may kapansanan.
Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga content creator na maging responsable at magalang sa pagtalakay sa mga usaping may kinalaman sa mental health, autism spectrum at iba pang neurodevelopmental conditions. Kasunod ito ng pagkalat ng isang kontrobersiyal na episode ng podcast na Machong Chismisan, kung saan pinagtawanan ang mga taong nasa autism spectrum.
Kalaunan, humingi ng paumanhin ang mga host at tinanggal ang episode matapos umani ng batikos mula sa publiko.
Binigyang-diin ng DSWD na nararapat igalang ang dignidad, pribasiya at karapatan ng bawat taong may kapansanan, nakikita man o hindi ang kanilang kondisyon. Hindi katanggap-tanggap ang paggamit sa kanilang kalagayan bilang materyal sa pangungutya o paraan upang makakuha ng atensiyon sa internet, dahil maaari nitong patibayin ang maling pananaw at magbunsod ng higit pang diskriminasyon.
Sa ilalim ng Magna Carta for Persons with Disabilities, may mga gawaing pamamahiya at panghahamak sa mga taong may kapansanan na maaaring maparusahan alinsunod sa batas. Kaya hindi dapat ipagpalagay na ligtas sa pananagutan ang sinumang nasa likod ng mikropono o kamera dahil lamang ang kanilang ginagawa ay tinatawag nilang biro o libangan.
Sa panahon ngayon, malaking bahagi na ng buhay ng taumbayan ang social media. Dito kumukuha ng impormasyon, nakikibalita at naghahanap ng aliw ang maraming Pilipino. Dahil dito, may pananagutan ang mga gumagawa ng online content na tiyaking hindi nakasasakit, nang-aapi o nagtataguyod ng maling pagtingin sa mga sektor na nangangailangan ng pang-unawa at proteksiyon.
Hindi rin sapat na burahin ang isang kontrobersiyal na palabas o humingi ng paumanhin matapos magalit ang publiko. Mas mahalaga ang pagkilala sa pagkakamali, pag-unawa sa pinsalang naidulot nito at pagbabago sa paraan ng paggawa ng nilalaman.
Hindi kailangang may mapahiya upang makapagpasaya ng manonood. Maaaring maging nakakatawa, kawili-wili at patok ang isang programa nang hindi ginagamit na katatawanan ang kondisyon ng ibang tao.
Hindi dami ng views, likes o followers ang tunay na sukatan ng mahusay na content creator, kundi ang kakayahang magbigay-aliw nang may respeto at malasakit. Ang dignidad ay hindi dapat isakripisyo para sa kasikatan, at ang kapansanan ay hindi kailanman dapat gawing katatawanan.





Comments