Libreng parking at bawas-pasahe, malaking ginhawa sa publiko
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | April 26, 2026

Sa libreng parking at bawas-pasahe, ito ang mga klase ng ayuda na direktang ramdam ng taumbayan at makakatulong pa sa kanilang ng matagalan.
Sa gitna ng sunud-sunod na taas-presyo ng langis, tama lang na humanap ng praktikal na solusyon ang pamahalaan para gumaan kahit papaano ang araw-araw na gastos ng mga motorista at komyuters. Ang pagbubukas ng libreng parking sa Santolan Station ng LRT-2 ay simpleng hakbang, pero malaki ang puwedeng maitulong sa bulsa ng ordinaryong mamamayan.
Simula bukas, Abril 27, ipatutupad ng Department of Transportation (DOTr) ang libreng parking sa Santolan Station ng Light Rail Transit Line-2. Layunin nitong hikayatin ang mga may sasakyan na iwan muna ang kotse sa istasyon at sumakay na lamang ng tren papunta sa kanilang destinasyon. Kasabay nito, may 50 porsyentong diskuwento rin sa pamasahe sa LRT-2 para sa mga pasahero.
Ayon sa DOTr, ang programang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang makatulong sa publiko habang nananatiling mataas ang presyo ng petrolyo bunsod ng tensyon sa Gitnang Silangan. Sa halip na maubos ang pera sa gasolina at maipit sa trapik, puwedeng pumili ang motorista ng mas murang transportasyon sa pamamagitan ng tren.
Ipinaliwanag naman ng isang opisyal na bukod sa matitipid sa krudo, makabawas din ito sa oras ng biyahe. Kung tutuusin, tama lang naman dahil sa Metro Manila, hindi lang gasolina ang kalaban ng tao kundi oras na nasasayang sa kalsada. Kapag mas maraming sumakay sa tren, mababawasan din ang siksikan sa lansangan.
Kinumpirma ng Light Rail Transit Authority na ang libreng parking ay first-come, first-served mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-11:30 ng gabi araw-araw. Para makinabang, kukuha lamang ng parking stub sa security personnel, ipa-validate ito sa passenger assistance office, at ipapakita muli bago lumabas ng parking area.
Ang mga ganitong klase ng programa ang mas madaling maunawaan ng taumbayan dahil agarang pakinabang ang dala. Hindi ito pangako lang o papel na puro plano, kundi serbisyong puwedeng gamitin ng pangmatagalan. Kung magiging maayos ang pagpapatupad, posible itong tularan sa iba pang istasyon at transport hubs.
Ipinapakita lamang nito na may mga simpleng paraan para matulungan ang mamamayan sa gitna ng mahal na bilihin. Hindi lahat ng solusyon kailangang komplikado. Minsan, ang tunay na malasakit ay makikita sa bawas-gastos, bawas-trapik, at dagdag-ginhawang ramdam agad ng bawat biyahero.




Comments