top of page
BIDA - AGOT KAY SEN. ROBIN SA HINA NG ULO MONG ‘YAN, SA TINGIN MO, MAUUTO MO KAMI-FB Agot

Kasambahay na pinaslang, nanatiling palaisipan ang tunay na salarin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 5 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | May 25, 2026



ISSUE #396



Ang isa sa mga malungkot na reyalidad sa ating lipunan ay ang hindi sapat na pagbibigay ng pagpapahalaga sa mga nasa sektor ng minorya. Isa na rito ang mga manggagawang kasama natin araw-araw sa ating mga tahanan — ang mga kasambahay.


Ang mga may kasambahay ay sasang-ayon sa aming sasabihin: napakahalaga ng papel na ginagampanan ng bawat kasambahay sa ating buhay. Marami sa atin ang umaasa sa kanilang tulong at kakayahan; ang buhay ng mga pamilyang kanilang inaalagaan ay tunay na gumagaan dahil sa kanila.


Masasabing masuwerte ang mga pamilyang nakatatagpo ng kasambahay na masipag, tapat, at mapagkakatiwalaan. Sa totoo lamang, ang mga ganitong uri ng tao ay tila madalang na sa kasalukuyang panahon. Gayunman, isa ring malungkot na reyalidad na may mga kasambahay na mababait at matitino ngunit minamaltrato, inaabuso, o kaya nama’y nalalagay sa marahas at malagim na sitwasyong hindi nila ginusto.


Ang kuwentong aming ibabahagi sa araw na ito, na hango sa kasong People of the Philippines vs. Ramcel Delgado y Manalo (Criminal Case No. TG-10-0572, May 29, 2023), ay tungkol sa marahas na pagkakapaslang sa isang kasambahay na nagngangalang Maricel. Ang inakusahan sa kanyang pamamaslang ay isang trabahador na nagngangalang Ramcel.


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng kasong ito at alamin kung nakamit nga ba ng kaluluwa ni Maricel, matapos ang napakahabang panahon, ang matagal na niyang inaasam na hustisya.


Batay sa Information para sa krimeng murder na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Tagaytay City, sinalakay, pinukpok sa ulo, at pinagsasaksak umano ni Ramcel ang biktimang si Maricel nang may pagtataksil at intensiyong paslangin ito. Naganap ang malagim na insidente sa isang barangay sa Tagaytay City noong ika-28 ng Pebrero 2010. Ang mga saksak sa leeg at matinding pinsala sa ulo na tinamo ni Maricel ang naging sanhi ng kanyang agarang pagpanaw.


Napakatagal na panahon ding hindi naipatupad ang warrant of arrest na ipinalabas ng hukuman, dahilan upang ipag-utos ang pag-a-archive ng kaso laban kay Ramcel.

Noong ika-2 ng Agosto 2019, o halos isang dekada matapos mapaslang si Maricel, naaresto si Ramcel sa Ozamiz City, kung saan siya pansamantalang ikinulong.

Sa tulong at representasyon ng PAO-Tagaytay City District Office, iginiit ni Ramcel sa hukuman ang kanyang kawalan ng kasalanan.


Tumayo bilang saksi para sa prosekusyon ang 60-anyos na amo ni Maricel na si Paul. 

Ayon sa kanya, umuwi siya sa kanilang bahay noong ika-28 ng Pebrero 2010. Dahil walang nagbubukas ng gate para sa kanya, bumaba siya sa kanyang sasakyan at binuksan ang pintuan ng kanilang kusina. Nakita niya umano na bukas ang ilaw sa kusina at nakakalat sa sahig ang ilang kagamitan. Sunod niyang pinuntahan ang kanilang sala, kung saan nakita niyang bukas ang French door. Doon din niya natagpuan ang wala nang buhay na katawan ni Maricel. Tinawag umano ni Paul ang may-ari ng kanilang subdivision at agad ding humingi ng tulong sa pulisya.


Ayon pa kay Paul, si Ramcel ang itinurong salarin sa pamamaslang kay Maricel sapagkat siya lamang umano ang hindi sumipot nang mag-roll call ng mga trabahador ang may-ari ng subdivision noong araw na iyon. Wala rin umanong ibang tao sa bahay nang matagpuan niyang wala nang buhay si Maricel, at hindi rin umano niya alam kung paano nauwi sa ganoong kalagayan ang kanyang kasambahay.


Para naman sa testimonya ni PCI Palacios, nagkasundo ang prosekusyon at depensa na: (a) ang nasabing saksi ay miyembro ng Philippine National Police; (b) siya ang nagpalabas ng SOCO Report No. 051-10 na may petsang Marso 1, 2010 kaugnay ng mga ebidensiyang nakalap sa pinangyarihan ng krimen; at (c) siya rin ang gumawa ng SOCO Form No. 4 na may parehong petsa. Hiniling ng prosekusyon na mamarkahan bilang ebidensiya ang tatlong dokumentong kanilang iniharap. Samantala, iginiit naman ng depensa na walang personal na kaalaman si PCI Palacios sa mga katotohanan at sirkumstansyang may kaugnayan sa naganap na pamamaslang.


Para naman sa testimonya ni PLTCOL Dechitan, nagkasundo rin ang prosekusyon at depensa na: (a) kaugnay ng kasong ito, nakatanggap ang nasabing saksi ng request for microscopic examination ng hibla ng buhok na isinumite sa kanyang opisina; at (b) kaugnay ng isinagawang pagsusuri, nagpalabas siya ng Physical Examination No. PI-003-10. Ang nabanggit na request ay minarkahan bilang ebidensya. Iginiit din ng depensa na walang personal na kaalaman si PLTCOL Dechitan sa mga katotohanan at sirkumstansiya kaugnay ng pamamaslang kay Maricel.


Matapos pormal na maisumite ng prosekusyon ang kanilang mga ebidensya, makapagbigay ng komento ang depensa kaugnay ng mga ito, at maipahayag ang pagtatapos ng presentasyon ng ebidensya ng prosekusyon, sinabi ng depensa na hindi na sila maghahain pa ng karagdagang ebidensya. Dahil dito, naisumite na ang kaso laban kay Ramcel para sa pagpapasya ng hukuman.


Sa pagdedesisyon sa kasong ito, binigyang-diin ng RTC ang tungkulin ng prosekusyon na patunayan ang bawat elemento ng krimeng murder. Ang mga ito ay ang sumusunod: una, may taong napatay; ikalawa, ang akusado ang pumaslang sa biktima; ikatlo, ang pamamaslang ay isinagawa sa pamamagitan ng alinman sa mga qualifying circumstance na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code; at ikaapat, ang pamamaslang ay hindi saklaw ng krimeng parricide o infanticide.


Ayon sa hukuman, hindi na kinakailangang talakayin pa ang una at ikaapat na elemento, sapagkat napatunayan na ang biktima ay namatay at ang pagkakapaslang sa kanya ay hindi saklaw ng parricide o infanticide. Ang masusing sinuri ng hukuman ay kung napatunayan nga ba ng prosekusyon ang ikalawa at ikatlong elemento — o sa madaling sabi, kung si Ramcel nga ba ang pumaslang kay Maricel.


Maliwanag na si Paul lamang, ang amo ng biktima, ang saksing iniharap ng prosekusyon na may direktang kaugnayan sa insidente. Siya ang nakatagpo sa katawan ng pinaslang na biktima. Gayunman, hindi isinantabi ng hukuman ang katotohanang hindi naman nakita ni Paul na pinaslang ni Ramcel si Maricel, at wala rin siyang naisalaysay kung paano isinagawa ang pamamaslang.


Naging kapuna-puna rin para sa hukuman na isinakdal si Ramcel sa krimeng murder dahil lamang siya ang hindi sumipot nang mag-roll call ng mga trabahador matapos maganap ang insidente.


Napansin din ng hukuman na kapwa walang personal na kaalaman sina PLTCOL Dechitan at PCI Palacios hinggil sa mga katotohanan at sirkumstansiya ng pamamaslang kay Maricel.


Dahil dito, hindi sapat na nakumbinsi ang RTC na napatunayan ng prosekusyon na si Ramcel ang may-akda ng marahas na pamamaslang kay Maricel.


Paalala ng hukuman, ang pangunahing tungkulin ng prosekusyon ay hindi lamang patunayan na naganap ang krimen kundi patunayan din ang pagkakakilanlan ng tunay na may-akda nito. 


Binigyang-diin ng RTC na kahit mapatunayan pang naganap ang krimen, hindi pa rin maaaring maglabas ng hatol ng pagkakasala kung walang ebidensyang magpapatunay sa pagkakakilanlan ng salarin nang lampas sa makatwirang pagdududa.


Dahil nabigo ang prosekusyon na patunayan ang pagkakasala ni Ramcel nang higit sa makatuwirang pagdududa, minarapat ng hukuman na siya ay mapawalang-sala.


Ang desisyong ito ng RTC Tagaytay City, na ipinroklama noong ika-29 ng Mayo 2023, ay hindi na inapela.


Ang ating mga kasambahay ay mahalagang bahagi na rin ng ating pamilya. Ang kanilang pagpanaw ay nagdudulot din ng matinding kalungkutan at pangungulila. Nawa’y may mga bagong ebidensyang matuklasan na magsisiwalat sa tunay na may-akda ng pamamaslang kay Maricel, nang sa gayun ay makamit ng kanyang kaluluwa ang matagal nang hinihintay na hustisya, at tuluyan nang matuldukan ang kanyang daing mula sa hukay.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page