Kapabayaan sa baril, dapat may mabigat na kaparusahan
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 22, 2026

Sa bawat baril na hindi ligtas na naitatago, may posibilidad na malagay sa panganib ang isang pamilya, paaralan at buong komunidad. Hindi sapat na legal ang pagmamay-ari ng armas para masabing ligtas na ang lahat. Kasabay ng pribilehiyong magkaroon nito ang mas mabigat na responsibilidad na tiyaking hindi ito maaabot ng mga taong hindi dapat gumagamit nito, lalo na ng mga bata.
Muling naging usapin ang pananagutan ng gun owners matapos ang dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa paaralan sa Tacloban at Zamboanga City na kapwa kinasangkutan ng mga menor-de-edad. Sa mga kasong ito, lumitaw ang mahalagang usapin ng access ng mga bata sa mga baril na pag-aari ng kanilang mga magulang o kamag-anak.
Sa ganitong sitwasyon, hindi dapat matapos ang pananagutan sa mismong taong gumamit ng armas. Kailangang tingnan kung paano ito napunta sa kamay ng mga bata at kung sapat ba ang pag-iingat ng legal na may-ari. Kung may pagkukulang sa pagtatago ng armas, makatuwirang pag-isipan kung dapat magkaroon ng malinaw na parusa para rito.
May panawagan ding repasuhin ang batas tungkol sa illegal possession of firearms, kabilang ang mga probisyong nagtakda rito bilang bailable offense. Anuman ang magiging desisyon ng Kongreso, dapat itong pag-aralan nang mabuti upang matiyak na magiging epektibo ang batas sa pagpigil sa krimen at hindi lamang dagdag na parusa pagkatapos may mangyaring trahedya.
Mahalaga rin ang mas mahigpit na pamantayan sa safekeeping. Ang baril ay hindi ordinaryong gamit na maaaring iwan sa sasakyan, kabinet o lugar na madaling maabot. Dapat itong nasa ligtas na lugar at may sapat na kontrol upang hindi ito mapasakamay ng bata o sinumang walang awtoridad na gumamit nito.
Gayunman, hindi rin sapat ang pagbabago sa batas. Kailangan ang edukasyon sa responsableng gun ownership, mas maayos na pagsusuri sa seguridad at tuluy-tuloy na pagpapatupad ng mga umiiral na panuntunan. Kailangang tingnan din ang iba pang salik na maaaring may epekto sa pag-uugali ng kabataan, kabilang ang kanilang exposure sa online content at iba pang impluwensiya.
Ang tunay na layunin ay hindi ang basta paghihigpit sa karapatan ng mga legal na gun owners. Ang dapat palakasin ay ang pananagutan na kasama ng pribilehiyong iyon.
Sa bawat baril na pag-aari, dapat may katumbas na responsibilidad sa pag-iingat. Kung ang isang sandata ay maaaring makuha ng bata at mauwi sa trahedya, hindi sapat ang sabihing legal itong pagmamay-ari. Panahon nang gawing mas malinaw ang pananagutan, higpitan ang safekeeping at unahin ang kaligtasan ng mga bata at komunidad.





Comments