Sa isang kondisyon… GERALD, GAME MAKASAMA ULI SINA KIM, JULIA AT BEA

by Janiz Navida @Showbiz Special | October 7, 2026

Photo: Gerald Anderson, Kim Chiu, Julia Barretto at Bea Alonzo - IG
Dalawang dekada na sa showbiz si Gerald Anderson at napakarami na niyang pinagdaanan. Ilang beses na siyang naintriga dahil sa napakakulay niyang love life at marami na ring ibinatong panghuhusga sa kanya.
Sa kabila nu’n, isa pa rin si Gerald sa mga maituturing na “most in demand endorsers” sa ‘Pinas kahit marami na ring mga bagong artista ang sumulpot at nawala.
Sa renewal of contract ni Gerald bilang ambassador ng Greenfield Tools last Monday, naitanong namin sa aktor kung bakit sa tingin niya, sa kabila ng mga kontrobersiyang ibinato sa kanya, mabenta pa rin siyang endorser.
Diretsong sagot niya, “Hindi ko alam kung paano sasagutin ‘yan. Ah, trabaho lang po.”
Nu’ng unang dekada raw niya sa showbiz ay hindi pa siya sanay sa intriga, hanggang dumating sa puntong natanggap niyang bahagi na ng buhay-artista niya ito.
“Umabot na ako sa point na alam ko naman ang ginagawa ko sa buhay ko. Alam ko naman na wala naman akong tinatapakang tao. Gusto ko lang pong magtrabaho at mas nangingibabaw ‘yung magagandang oportunidad kesa sa mga ganitong negativity,” paliwanag ni Gerald kaya hindi na raw siya naaapektuhan ng mga intriga.
Sa ngayon daw ay masayang-masaya siya sa buhay niya kahit walang love life. Mas focused daw siya sa kanyang showbiz career at mga negosyo, gayundin sa kanyang humanitarian activities bilang reservist.
Proud ngang ibinalita ni Gerald na dalawa na ang resort niya sa Zambales at bilang endorser ng Greenfield Tools for 1 year now, gamit na gamit daw talaga niya ang mga produkto ng kumpanya tulad ng power station dahil napapadalas ang brownout sa Zambales.
Happy si Gerald at nagpasalamat sa vice-president ng Greenfield Tools na si Mr. Wayne Coherco at ganu’n din sa Marketing head na si Allan Ocampo na present sa contract signing sa tiwalang ibinigay sa kanya para patuloy na maging endorser ng brand.
Ayaw sanang pag-usapan ni Gerald ang kanyang love life sa contract signing pero hindi na ito nakaiwas nang tanungin namin kung ano ba ang tipo niyang babae para maging partner in life – ‘yung trophy girlfriend na pang-display lang o ‘yung ‘handywoman’ na marunong sa bahay.
Natawa man, inamin ni Gerald na bilang old school daw siya, mas gusto niya siyempreng maging misis ‘yung babaeng marunong sa bahay dahil gusto niyang pag-uwi niya ay naasikaso na ang lahat.
So, girls, alam n’yo na, ha?
Anyway, natanong din namin si Gerald tungkol sa kanyang mga ex-GF, kung willing ba siyang makatrabaho sina Kim Chiu, Julia Barretto at Bea Alonzo.
Sagot niya, “I’m open sa lahat. Basta ang lagi kong sinasabi, maganda ‘yung kuwento, may matututunan ang audience natin. Alam n’yo naman kung ano ‘yung lagi kong hinahanap sa proyekto.”
Ang tanong, open din kaya sina Kim, Julia at Bea na makasama si Gerald? Hmmm…
ANIM na araw palang sumailalim sa intensive program sa Harvard Business School ang Brilliant Skin Essentials CEO na si Glenda Dela Cruz at ngayon, excited na raw siyang i-apply ang mga natutunan niya roon para mas mapalago pa ang kanyang negosyo.
Natapos ni Miss Glenda ang Strategic Marketing for Driving Growth program, kung saan hinarap niya ang 19 business cases kasama ang mga entrepreneurs at lider mula sa iba’t ibang bansa, industriya, at background.
"Hindi lang ako uuuwi na may certificate, umuwi ako with a deeper perspective on business, leadership, and growth. Finally, no more sleepless nights!" aniya sa kanyang Facebook post.
Napaka-importante sa CEO ng pagkumpleto niya sa programa lalo’t hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo at matagal nang pangarap na makapag-aral sa Harvard Business School.
“Harvard Business School, you’ve been a dream come true. And I hope, this will serve as an inspiration sa mga katulad ko na hindi nakatapos ng pag-aaral. Na may pag-asa at puwede pang matuto through this kind of program,” aniya.
Mas pinagtibay din ng karanasan ang paniniwala ni Miss Glenda sa kahalagahan ng patuloy na pag-aaral, lalo na habang mabilis na binabago ng AI ang paraan ng pagpapatakbo ng mga negosyo.
Kamakailan ay pinuri ng actress at content creator na si Ivana Alawi ang pagha-hire ng PWD ng kumpanya matapos bumisita sa isa sa mga production facility nito at nakasalamuha niya ang mga manggagawa.
"Mas gusto kong suportahan ‘yung mga business talaga na lahat, welcome. Eleven ang PWD nila rito sa Brilliant Skin," diin ng aktres.
Kinilala ang Brilliant Skin Essentials Inc. bilang 2025 Top Employer of the Year ng Municipality of Morong, Rizal at nangungunang business taxpayers sa munisipalidad, kung saan napabilang ito sa Top 3 Outstanding Business Taxpayers of the Year at Top 4 Highest Real Property Taxpayers of the Year.





Comments