Guro, natanggalan ng lisensya dahil sa personal na isyu

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 7, 2026

Dear Chief Acosta,
Nabalitaan ko na ang katrabaho kong guro ay natanggalan ng lisensya sa pagtuturo dahil lang sa personal na problema niya sa kanyang pagpapakasal, at hindi naman tungkol sa kanyang pagtuturo. Nais ko po sanang malaman kung maaari bang maapektuhan ang propesyonal na lisensya ng isang tao sa pagtuturo dahil sa kanyang personal na buhay, gayong mahusay naman siya sa kanyang trabaho? — Rachelyn
Dear Rachelyn,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Rene V. Puse vs. Ligaya Delos Santos-Puse (G.R. No. 183678, Marso 15, 2010), sa panulat ni Honorable Associate Justice Martin S. Villarama Jr., kung saan ang isang rehistradong guro ay natanggalan ng lisensya sa pagtuturo matapos mapatunayang nagpakasal siya ng ikalawang beses nang hindi pa napapawalang-bisa ang kanyang unang kasal, na idineklara bilang immoral at dishonorable conduct. Sa nasabing kaso, iginiit ng nasabing guro na dahil siya ay ikinasal muli bago pa siya maging isang guro, hindi dapat mag-apply ang Code of Ethics of Professional Teacher sa kanya, ngunit idineklara ng Korte Suprema na:
“In the practice of his profession, he, as a licensed professional teacher, is required to strictly adhere to, observe and practice the set of ethical and moral principles, standards and values laid down in the aforesaid code. It is of no moment that he was not yet a teacher when he contracted his second marriage. His good moral character is a continuing requirement which he must possess if he wants to continue practicing his noble profession. In the instant case, he failed to abide by the tenets of morality. Petitioner kept his first marriage secret to his second wife. Unfortunately for him, his second wife discovered his true marital status which led to the filing of the administrative and criminal cases against him.”
Ayon sa nasabing kaso, ang isang lisensyadong propesyonal na guro ay kinakailangang mahigpit na sumunod, obserbahan at magsanay sa hanay ng mga etikal at moral na prinsipyo, pamantayan, at pagpapahalagang nakasaad sa Code of Ethics of Professional Teacher. Hindi importante na hindi pa siya guro noong siya ay ikinasal muli. Ang kanyang mabuting moral na katangian ay isang patuloy na pangangailangan na dapat niyang taglayin kung nais niyang magpatuloy sa pagsasanay sa kanyang marangal na propesyon. Ipinaliwanag ng Korte Suprema na:
“All told, petitioner’s act of entering into said second marriage constitutes grossly immoral conduct. No doubt, such actuation demonstrates a lack of that degree of morality required of him as a member of the teaching profession. When he contracted his second marriage despite the subsistence of the first, he made a mockery of marriage, a sacred institution demanding respect and dignity.”
Kaya naman, Rachelyn, hindi ganap na hiwalay ang personal na buhay at ang kapasidad na magpatuloy sa pagsasanay ng propesyon, lalo na kung ang kanyang larangan ay may malaking impluwensya sa moralidad at disiplina ng lipunan, tulad ng pagtuturo. Ang good moral character ay hindi lamang isang unang hakbang sa pagkuha ng lisensya, ito ay pananagutang dapat panatilihin sa buong buhay ng propesyon ng pagtuturo.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments