top of page
SB19 at BINI PH - IG.jpg

Kaligtasan ng mga estudyante, ‘di dapat isinasakripisyo tuwing panahon ng sakuna

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 3 min read

ni Leonida Sison @Boses | June 8, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Papasok ba o hindi, at handa ba talagang matuto ang bata kapag nasalanta ng bagyo, baha, o anumang krisis? 


Sa panahon na halos taun-taon ay sinusubok ng kalamidad ang bansa, tila napapanahon lamang na magkaroon ng mas malinaw at mas makataong sistema ang edukasyon. Hindi sapat na basta magdeklara ng suspensyon—dapat ay may malinaw ding plano kung paano magpapatuloy ang pag-aaral nang hindi isinasakripisyo ang kaligtasan at kapakanan ng mga estudyante at guro.


Sa ilalim ng bagong patakaran ng Department of Education (DepEd) sa pamamagitan ng DepEd Order No. 14, Series of 2026, binigyan ng kapangyarihan ang mga school head na makipag-ugnayan sa Schools Division Superintendent at lokal na pamahalaan upang magpatupad ng “granular suspension of classes” batay sa aktuwal na sitwasyon ng komunidad. Ibig sabihin, hindi na kailangang buong lungsod o dibisyon ang suspendido kung iilang paaralan o partikular na grade level lamang ang apektado ng sakuna o panganib.


Layunin ng bagong polisiya na gawing mas mabilis, mas akma, at mas maayos ang pagdedesisyon ng mga paaralan bago, habang, at pagkatapos ng emergency. Bahagi rito ang bagong levels-based Learning Continuity Framework na magsisilbing gabay sa learning mode depende sa antas ng panganib at kakayahan ng mga mag-aaral at guro.


May apat na antas ang framework: ang “Hayo” o Continue kung saan nagpapatuloy ang regular face-to-face classes kapag ligtas ang lahat; “Hinay” o Ease-in kung saan mas flexible at mabagal ang pacing ng pag-aaral sa panahon ng minor disruptions; “Hinga” o Check-in kung saan mas inuuna ang emotional at psychological well-being kaysa academic pressure; at “Hinto” o Stop kung kailangang pansamantalang itigil ang klase dahil nanganganib ang kaligtasan at pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral at guro.


Kasama rin sa polisiya ang paggamit ng emergency learning resources gaya ng printed at digital modules, learning packets, broadcast materials, home learning support, family kits, at emergency kits upang masigurong may tuluy-tuloy na access sa edukasyon kahit hindi magamit ang mga silid-aralan.


Magkakaroon din ng standardized recovery kit o “EduKahon” na paunang ipapamahagi sa mga paaralan. Nakaimbak dito ang mahahalagang kagamitan para magamit agad sa pagtuturo at pag-aaral sakaling masira o hindi magamit ang classrooms dahil sa kalamidad.


Bukod dito, isasailalim ang mga guro sa pagsasanay kaugnay ng trauma-informed teaching, psychological first aid, at iba’t ibang paraan ng pagtuturo sa panahon ng krisis. Ipatutupad ang patakaran sa lahat ng pampublikong elementarya, sekundarya, Community Learning Centers, at Alternative Learning System providers ng DepEd sa buong bansa. Maaari rin itong sundin ng mga pribadong paaralan, private ALS providers, at basic education units ng state at local universities.


Mahalagang hakbang ito dahil ipinapakita nitong unti-unti nang kinikilala na hindi pare-pareho ang sitwasyon ng bawat komunidad kapag may sakuna. Hindi lahat ng estudyante ay may kakayahang makasabay agad sa klase matapos ang baha, lindol, o trahedya. May ilan na nawalan ng bahay, gamit, o maging ng mahal sa buhay. Kaya hindi dapat sukatan ng edukasyon ang dami ng modules o attendance lamang, kundi ang kakayahan ng bata na muling makatayo at makapagpatuloy.


Ang tunay na layunin ng edukasyon ay hindi lamang makapagtapos ng leksyon kundi matiyak na ligtas, handa, at may sapat na suporta ang bawat batang Pilipino sa gitna ng anumang pagsubok. Kapag naging maayos ang implementasyon ng sistemang ito, maaari itong maging halimbawa ng mas makataong edukasyon—isang sistemang hindi lang nagtuturo, kundi tunay na nakikiramay at umaalalay sa mamamayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page