top of page
BULGARY - BARON, IBINUKING NG MISIS NA NASA SAFE PLACE_IG _baron.gesler.jpeg

Ingat sa baha para ‘di magsisi

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 11
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 11, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Ngayong tag-ulan, hindi lang payong at kapote ang dapat laging dala ng bawat Pilipino—kundi dagdag na pag-iingat. Sa bawat baha na tinatahak ng mga manggagawa, estudyante at ordinaryong mamamayan, may panganib na hindi agad nakikita ngunit maaaring magdulot ng malubhang sakit. Isa na rito ang leptospirosis, isang panganib na hindi dapat minamaliit.


Kaya makatuwiran ang paalala ng Department of Health (DOH) na iwasan hangga’t maaari ang paglusong sa tubig-baha. Hindi lahat ng baha ay simpleng maruming tubig lamang. Maaari itong may halong kontaminadong tubig at iba pang bagay na maaaring makapagdulot ng sakit, lalo na kapag may sugat o galos ang isang taong lumusong dito.


Para sa mga hindi maiiwasang dumaan sa baha, pinapayuhan ng DOH ang publiko na magsuot ng boots at iba pang proteksiyon sa katawan. Mahalaga ring agad na kumonsulta sa doktor o pinakamalapit na health center upang makatanggap ng tamang payo at kinakailangang gamot. 


Hindi rin dapat balewalain ang mga sintomas. Agad magpatingin kapag nakaranas ng lagnat, paninilaw ng mata o balat at iba pang sintomas na maaaring maiugnay sa leptospirosis. Mas mabuting maagapan ang sakit kaysa hintaying lumala bago humingi ng tulong.


Kasabay ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa dahil sa pabugsu-bugsong pag-ulan na pinalakas ng habagat, inatasan na rin ng Malacañang ang DOH na magsagawa ng mga produktibong hakbang laban sa mga sakit na maaaring kumalat pagkatapos ng baha. 


Hinikayat din ang mga mamamayan na magpakonsulta sa pinakamalapit na health center kapag may nararamdamang sintomas o may posibleng exposure sa kontaminadong tubig.


Sa ganitong sitwasyon, hindi sapat ang paalala lamang. Dapat tiyaking madaling naaabot ng mga komunidad ang mga health center, sapat ang suplay ng gamot at malinaw ang impormasyon tungkol sa mga hakbang na dapat gawin bago at pagkatapos lumusong sa baha.


May bahagi ang bawat mamamayan sa pag-iwas sa sakit, ngunit may mas malaking tungkulin ang pamahalaan na tiyaking hindi pahirapan ang paghingi ng serbisyong pangkalusugan. 


Sa tag-ulan, ang pag-iingat ay hindi pagiging praning. Ito ay paraan ng pagprotekta sa sarili at pamilya. Mas mabuting maagap kaysa magsisi


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page