I’mee ready sa lindol!
- BULGAR
- 3 hours ago
- 2 min read
ni Imee Marcos @Imeesolusyon | October 19, 2025

Grabe na ‘to mga besh! Parang hindi pa tayo tapos sa baha at bagyo, heto na naman — sunud-sunod tayong niyayanig ng lindol sa iba’t ibang parte ng bansa! Galit na ang Mother Earth!
Mula noong Setyembre 30, nagsimula na ang mga malalakas na lindol sa Cebu at halos araw-araw na may aftershock. Sinundan pa ito ng mas malakas na magnitude sa Davao! Maraming bahay ang nasira, marami ring kababayan ang natatakot at nangangamba para sa kanilang mga pamilya at kabuhayan.
Kaya ang sabi ko, panahon na para seryosohin ang paghahanda! Ang lindol, hindi inaabiso. Ang buhay, hindi puwedeng isugal! Kaya’t narito ang mga IMEE-PORTANTENG PAALALA para handa tayo sa lindol:
Una, alam niyo ba kung saan magtatago kapag nagsimula na ang lindol? Hanapin ang pinakamatatag na parte, kung saan nagsasalubong ang poste at beam. Diyan ka dapat magtago para may proteksyon.
Pangalawa, kung may abiso at may oras pa, tumakbo agad sa wide open space. Dapat malayo sa gusali, puno, o poste. Alamin din kung saan ang itinakdang evacuation area ng inyong LGU at kabisaduhin ang ruta papunta roon.
Pangatlo, magpraktis kasama ang pamilya. Dapat lahat ng nasa bahay ay kabisado kung paano mabilis at maayos mag-evacuate kung kakailanganin. Practice saves lives! Oh ‘di ba! Mabuti na ang maging maagap at handa.
At panghuli, ayusin na ang inyong go-bag. Lagyan ng gamot, pera, mahahalagang dokumento, flashlight, pagkain, tubig, at iba pang kailangan sa oras ng sakuna.
Oras na ring ayusin natin ang sistema ng pagtugon sa sakuna, kaya isinusulong ko ang “National Resiliency and Disaster Management Authority Act” na may layuning tapusin ang mabagal at magulong koordinasyon tuwing may kalamidad. Sa panukalang ito, gagawing “all-hazards” Authority ang NRDMA na may command at control sa lahat ng ahensya ng gobyerno, kabilang ang AFP at PNP, at ilalagay ito direkta sa ilalim ng Office of the President para mas mabilis ang kilos, desisyon, at agarang aksyon tuwing may sakuna.
Maging alerto at huwag maging kampante. Lahat tayo may papel sa kaligtasan ng ating pamilya!
Hindi mapipigilan ang lindol, pero kaya nating iligtas ang ating sarili, pamilya, at komunidad.
‘Yan lang muna mga besh! Ingat kayo lagi at maging alerto! Babush!
Comments