top of page
Search

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | October 26, 2025



Imeesolusyon ni Imee Marcos


Buwan na naman ng mga Katutubong Pilipino, mga besh! Happy Indigenous Peoples Month! Pero teka lang, paano natin masasabing “happy” kung hanggang ngayon, wala pa ring nakatakdang araw para ipagdiwang at kilalanin sila?


Lagi nating hinahanap kung sino nga ba ang tunay na Pilipino. Haller, nasa harap na natin sila -- ang ating mga katutubong Pilipino! Sila ang OG, ang unang mga Pinoy.


Kaso over naman, kinuha na natin halos lahat ng lupain nila, tinataboy pa sila minsan sa bundok! Tapos ngayong isang araw lang ang hinihingi nila para kilalanin, parang ang hirap pa nating ibigay!


Kaya ito na mga beshie, isinusulong ko ang Senate Bill No. 1130 o “National Indigenous Peoples Day Act” para gawing special non-working holiday ang Agosto 9, bilang Araw ng mga Katutubong Pilipino, at ang buong buwan ng Agosto bilang National Indigenous Peoples Month.


Huwag n’yo namang sabihing gusto lang natin ng “walang pasok,” ha! Hindi ito tungkol sa pahinga, kundi sa pagbibigay halaga sa ating mga kapatid na katutubo na madalas pa ring naaapi at hindi nabibigyan ng boses.


Isipin ninyo, sila na nga ang nauna rito, pero sila pa ang madalas nahuhuli sa progreso at pagkilala. 


‘Di ba, may holiday tayo para sa lahat: Pasko, Eid’l Fitr, mga bayani, kung anu-ano pa! Pero ‘yung mga OG na Pinoy, wala man lang araw para sa kanila? Naku ha, unfair ‘yun, besh!


Kaya ako, simple lang ang hiling: isang araw lang para sa mga katutubong Pilipino. Para kilalanin natin ang kanilang tapang, dangal, at kultura na siyang ugat ng ating pagka-Pinoy.


Ibigay na natin ang araw ng mga OG na Pinoy! Dasurv nila ‘yun!


 
 

ni Imee Marcos @Imeesolusyon | October 19, 2025



Imeesolusyon ni Imee Marcos



Grabe na ‘to mga besh! Parang hindi pa tayo tapos sa baha at bagyo, heto na naman — sunud-sunod tayong niyayanig ng lindol sa iba’t ibang parte ng bansa! Galit na ang Mother Earth!


Mula noong Setyembre 30, nagsimula na ang mga malalakas na lindol sa Cebu at halos araw-araw na may aftershock. Sinundan pa ito ng mas malakas na magnitude sa Davao! Maraming bahay ang nasira, marami ring kababayan ang natatakot at nangangamba para sa kanilang mga pamilya at kabuhayan. 


Kaya ang sabi ko, panahon na para seryosohin ang paghahanda! Ang lindol, hindi inaabiso. Ang buhay, hindi puwedeng isugal! Kaya’t narito ang mga IMEE-PORTANTENG PAALALA para handa tayo sa lindol:


Una, alam niyo ba kung saan magtatago kapag nagsimula na ang lindol? Hanapin ang pinakamatatag na parte, kung saan nagsasalubong ang poste at beam. Diyan ka dapat magtago para may proteksyon.


Pangalawa, kung may abiso at may oras pa, tumakbo agad sa wide open space. Dapat malayo sa gusali, puno, o poste. Alamin din kung saan ang itinakdang evacuation area ng inyong LGU at kabisaduhin ang ruta papunta roon.


Pangatlo, magpraktis kasama ang pamilya. Dapat lahat ng nasa bahay ay kabisado kung paano mabilis at maayos mag-evacuate kung kakailanganin. Practice saves lives! Oh ‘di ba! Mabuti na ang maging maagap at handa.


At panghuli, ayusin na ang inyong go-bag. Lagyan ng gamot, pera, mahahalagang dokumento, flashlight, pagkain, tubig, at iba pang kailangan sa oras ng sakuna. 


Oras na ring ayusin natin ang sistema ng pagtugon sa sakuna, kaya isinusulong ko ang “National Resiliency and Disaster Management Authority Act” na may layuning tapusin ang mabagal at magulong koordinasyon tuwing may kalamidad. Sa panukalang ito, gagawing “all-hazards” Authority ang NRDMA na may command at control sa lahat ng ahensya ng gobyerno, kabilang ang AFP at PNP, at ilalagay ito direkta sa ilalim ng Office of the President para mas mabilis ang kilos, desisyon, at agarang aksyon tuwing may sakuna.


Maging alerto at huwag maging kampante. Lahat tayo may papel sa kaligtasan ng ating pamilya! 


Hindi mapipigilan ang lindol, pero kaya nating iligtas ang ating sarili, pamilya, at komunidad.


‘Yan lang muna mga besh! Ingat kayo lagi at maging alerto! Babush!


 
 

ni Mylene Alfonso @News | Apr. 26, 2025



File Photo: Si VP Sarah Duterte sa campaign ni Isko Moreno - FB Isko Moreno Domagoso



Natawa na lamang si Senador Imee Marcos sa payo sa kanya ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa kanyang apelyido.


Ito ay makaraang dumalo sina Duterte at Marcos sa campaign caucus ni mayoral bet Isko Moreno Domagoso at ng slate nito sa Tondo sa Maynila, nitong nakaraang Huwebes.


Ipinangampanya ni Duterte ang senatorial slate ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na "DuterTen", sa ilalim ng PDP-Laban.


Nabatid na kasama rin ang senadora sa ikinampanya niya.


Sa naturang caucus, binanggit ni Duterte na may mga nangangamusta sa dating Pangulo na nasa The Hague, Netherlands na kasalukuyang humaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).


Kaugnay nito, may inihanda ang Bise Presidente na video presentation sa mga nangangamusta sa kanyang ama.


Ngunit bago i-play, tinanong muna niya si Marcos kung hindi pa raw ito aalis sa caucus.

"Sa mga nangangamusta, mayroon kaming maliit na video presentation sa inyo. Sigurado ka ba ma'am [Imee] na hindi ka aalis?" tanong niya.


Sabay advice sa senadora: "Ma'am, ang advice ko lang sa 'yo sa panahon na ito at sa mga darating na araw, ay magpalit ka na po ng apelyido mo."


"Ay. Sorry. Romualdez pala ang middle name mo," tila pang-aasar pa ng Bise Presidente sa Senadora.


Natawa at sumenyas ng "x" sign si Imee.


"Sabi ko nga, matinong tao si Senator Imee Marcos," hirit ni Duterte.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page