Sino ang pinakikinggan ng Diyos?
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 14, 2026

Noong nakaraang linggo, ipinagdasal ng ilang pastor at mga Kristiyano si Pangulong Donald Trump sa kanyang opisina. Ipinanalangin nila ang kanyang pamumuno sa gitna ng giyera ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran.
Samantala, nagdaos naman ng Misa si Archbishop Romulo Valles para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Miyerkules, ika-11 ng Marso 2026, bilang paggunita sa unang anibersaryo ng kanyang pagkakahuli at pagpapadala sa ICC sa The Hague, Netherlands. Ang misa ay tinawag na “Mass to Bring Him Home” o misa para sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas.
Kasabay ng misa sa Davao ang ilang paggunita para sa mga namatay sa madugong kampanya ng War on Drugs noong nakaraang administrasyon. Nagkaroon din ng mga misa ng pasasalamat mula sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings matapos ang pagkakahuli, pagkakulong, at pagsisimula ng paglilitis sa dating pangulo.
Sa harap ng magkasalungat na panalangin, lumilitaw ang mahirap na tanong: Pakikinggan kaya ng Diyos ang panalangin na ipagpatuloy ang giyera na kumikitil ng buhay at sumisira sa kabuhayan ng marami? Pakikinggan kaya ng Diyos ang panawagan na pauwiin sa Pilipinas ang dating pangulo na nagpasimula ng madugong kampanya laban sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng droga?
O pakikinggan ba ng Diyos ang mga nananalangin na tumigil ang mga digmaan at magharap ang mga bansa upang hanapan ng mapayapang solusyon ang kanilang hidwaan? O ang mga nananalangin na magpatuloy ang paglilitis upang mapanagot ang mga responsable sa karahasan?
Noong ika-8 ng Marso, sa Angelus message ni Pope Leo XIV sa St. Peter’s Basilica, sinabi niya: “There is no such thing as a holy war. Only peace is holy, because peace comes from God.”
Nakakalungkot makita ang mga misa at panalangin na humihiling ng proteksiyon para sa mga taong nasangkot sa karahasan at pagpatay. Noong nakaraang administrasyon, may mga tumutol sa patuloy na pagdanak ng dugo sa War on Drugs. Ngunit marami rin ang sumuporta at nagsabing dapat patayin ang mga gumagamit at nagtutulak ng droga.
Hindi kinalulugdan ng Diyos ang pagdanak ng dugo o ang pananahimik laban dito. Ang problema sa droga ay hindi lamang usapin ng parusa kundi ng paggaling, rehabilitasyon, at pagbabalik ng dignidad ng tao.
Ngayon na nakakulong at nililitis na ang dating pangulo, may mga nananalangin na pauwiin siya at itigil ang proseso ng paglilitis. Ngunit may mga pamilya rin ng biktima na nananalangin para sa katarungan.
Napakadaling malinlang at paniwalaan ang mga maling ideya. Mali ang giyera. Mali ang pagpatay. Mali ang digmaan sa Ukraine na sinimulan ng Russia. Mali ang patuloy na karahasan sa Palestine. At mali rin ang giyerang kinasasangkutan ng Estados Unidos laban sa Iran.
Napakarupok na ng mundo. Hindi lamang tao ang sugatan kundi pati ang kalikasan. Ito ang dahilan kung bakit isinulat ni Pope Francis ang encyclical na Laudato Si upang ipagtanggol ang kalikasan, at ang Fratelli Tutti upang paalalahanan ang mundo tungkol sa pagkakapatiran ng lahat ng tao.
Habang sugatan ang kalikasan at naghihirap ang mahihirap, lalo namang yumayaman ang iilang makapangyarihan. Malinaw na may mali sa sistemang sinasamba ang kapangyarihan at kayamanan. Hindi nito maililigtas ang mga mahihina, ni ang naghihingalong kalikasan.
Ang dapat ipanalangin ay hindi ang pagtatanggol sa karahasan kundi ang pagpigil dito. Ang dapat ipanalangin ay katarungan para sa mga biktima at pananagutan para sa mga may sala.
Tama si Pope Leo XIV: Walang banal na giyera. Ang tunay na banal ay kapayapaan, sapagkat ito ay nagmumula sa Diyos.




Comments