Mga korup sa flood control scandal, safe na, patapos na ang operasyon ng ICI
- BULGAR

- 1 hour ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 14, 2026

SANA LAHAT NG VICE GOVERNOR TULAD NI BULACAN GOV. ALEX CASTRO NA UMAAKSYON AGAD SA PANAHON NG KRISIS – Sa panahon ng krisis sa langis dulot ng digmaan sa Middle East, agad na gumawa ng dalawang resolusyon ang Bulacan Vice Governor na si Alex Castro. Una, ang Resolution No. 20-2026 na humihiling sa mga lungsod at munisipalidad ng lalawigan na kanselahin ang business permit ng mga establisimyento na sangkot sa overpricing, profiteering, hoarding, at mga gasoline station na tumatangging magbenta ng krudo.
Pangalawa, ang Resolution No. 21-2026 na humihiling sa national government na ipatupad agad ang fuel subsidy para sa mga magsasaka, mangingisda, at mga driver ng pampublikong transportasyon sa probinsya.
Sana’y lahat ng vice governor ay tulad ni Gov. Castro na agad kumikilos sa panahon ng krisis upang maibsan ang epekto nito sa kabuhayan ng mamamayan. Period!
XXX
LUNDAGAN SA TUWA ANG MGA KURAKOT NA HINDI PA NAIIMBESTIGAHAN KASI LUSOT NA SILA SA FLOOD CONTROL SCANDAL DAHIL TAPOS NA ANG OPERASYON NG ICI SA MARCH 3 – Inanunsyo ni Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chairman Andres Reyes Jr. na sa March 31, 2026, o sa katapusan ng buwan, ay matatapos na ang operasyon ng komisyon.
Bad news ito sa taumbayan dahil halos lahat ng 82 probinsya sa bansa ay may naganap na ghost, substandard, at incomplete na flood control projects. Sa ngayon, tanging Bulacan, Oriental Mindoro, at Davao Occidental pa lamang ang naimbestigahan, at sa pagwawakas ng ICI, tapos na rin ang papel ng komisyon sa pagtuklas sa mga sangkot sa flood control scandal.
Dahil sa anunsyong ito, pihado namang naglulundag sa tuwa ang maraming kurakot na politiko, Department of Public Works and Highways (DPWH) officials, at contractors sa 79 probinsya—dahil hindi na sila iimbestigahan ng ICI at lusot na sa flood control scandal. Tsk!
XXX
SANA MAY MAGPANUKALA RIN NA ANG MGA KAKANDIDATO SA ELEKSYON AY DAPAT MAGPA-PSYCHO TEST – Desidido ang Senado at Kamara na maipasa ang panukalang batas na anti-political dynasty.
Sana, kapag ganap nang batas ang anti-political dynasty, ang susunod na panukala ng Senado at Kamara ay obligahin ang lahat ng kakandidato sa halalan na magpa-psycho test. Kasabay nito, isasama ng mga kandidato sa pagsusumite ng kanilang certificate of candidacy (COC) ang resulta ng kanilang mental health records upang matiyak na sila ay nasa wastong pag-iisip.
Sa totoo lang, may ilang kandidato na nananalo sa halalan na para bang may “sayad” sa pag-iisip—kapag humarap at nagsalita sa publiko, parang mga “krung-krung.” Boom!
XXX
DEPENSA NI ATTY. TOPACIO KAY CONG. SUNTAY, SABLAY KASI PATI SIYA KINASUHAN NG DISBARMENT SA IBP – Sablay ang pagdepensa ni Atty. Ferdinand Topacio kay Quezon City 2nd District Rep. Bong Suntay nang sabihin niyang hindi daw dapat kasuhan ang kongresista dahil isinapubliko lang daw ng lawmaker ang pagnanasa nito kay actress Anne Curtis, at wala naman daw pisikal na harassment na ginawa sa aktres. Ayon pa sa abogado, siya rin daw ay nagkaroon ng pagnanasa kay Gabriela Partylist Rep. Sarah Elago nang minsang madikit daw siya dito at maamoy ang amoy ng congresswoman.
Kaya natin nasabing sablay ang depensa ni Atty. Topacio kay Cong. Suntay—dahil hindi nagustuhan ni Cong. Sarah ang “bastos” na pahayag ng abogado tungkol sa kanya. Resulta nito, sinampahan siya ng congresswoman ng disbarment case sa Integrated Bar of the Philippines. Period!




Comments