ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | Abril 12, 2024
Patuloy na lumolobo ang bilang ng mga tinatamaan ng pertussis o tusperina sa bansa at kaliwa’t kanan na ang nagdedeklara ng state of calamity.
Karamihan dito’y mga taga-probinsya.
Ayon sa DOH, pumalo na sa 1,112 ang naitalang kaso ng pertussis sa bansa.
‘Yan ay mula Enero 1 hanggang Marso 30 lang ng taong ito.
Ako eh, nagulat kasi laban-bawi lang ang peg ng DOH. Sabi nila noong una, kontrolado na ‘yan, eh, bakit ngayon, patuloy pa pala ang pagtaas ng bilang ng tinatamaan nito, ha!
Abah eh, nasa 54 na raw ang nasawi mula noong Enero hanggang ngayon, ayon sa datos ng DOH! Juicekolord! Dumarami ha!
At kabilang sa mga rehiyon na nakitaan ng patuloy na pagtaas ng kaso ay sa Eastern Visayas, Cagayan Valley, CARAGA, Central Luzon, at Cordillera Autonomous Region.
Una rito, kinumpirma ng World Health Organization na ang tigdas at pertussis ay concern na sa maraming bansa dahil sa COVID-19 pandemic lockdowns... ‘di ba alarming ‘yan?! Santisima!!
Isa pang naging problema, ayon kay Health Secretary Ted Herbosa ang vaccine hesitancy.
Aminado naman ang DOH na mababa na ang suplay ng pentavalent o 5-in-1 vaccine sa bansa ngayon na nasa 64,400 doses na lamang.
Umorder na nga raw ang gobyerno ng dagdag na 3 milyong doses ng bakuna.
Sa ganang akin, IMEEsolusyon ang maging maagap na tayo… “prevention is better than cure”.
Magboluntaryo na tayo magsuot ng face mask, lalo na ‘yung ating mga batang tsikiting! Hihintayin pa ba natin na magkasakit sila?! Hello!!
IMEEsolusyon din na ngayong tag-init kung may mga outing kayo dahil sa sobrang init ng panahon, pili kayo ng lugar na ‘di matao lalo na kapag may kasama kayong mga bata at mga baby! Eh, ‘di ba nga ambilis ng hawahan sa pertussis-mala-COVID!
IMEEsolusyon na kung hindi naman necessary na isama ang bata lalo na sa mga mall o grocery o anumang public place, ‘wag nang isama, plis lang! Iwan na sa bahay para ‘di magkasakit!
‘Wag nang isugal ang buhay ng ating pamilya… sa matataong lugar! Super-ingat tayo mga ka-IMEEsolusyon! Agree?!