top of page
TEKA NGA - KATHRYN, OBYUS NA WALA NANG GANANG UMARTE-FB Netflix.jpg

Huwag hintayin ang “the big one” bago kumilos

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 13
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | June 13, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Handa na nga ba talaga tayo kung sakaling tatama na ang “The Big One”? Kung isang malakas na lindol sa Mindanao ang agad nagdulot ng dose-dosenang nasawi at matinding pinsala, hindi ba’t mas dapat seryosohin ng bawat lungsod ang paghahanda bago pa tumama ang inaasahang malaking sakuna kung ito man ay tumama sa Metro Manila? 


Ang kautusan na gawing obligado ang buwanang earthquake drills at inspeksyon ng mga gusali ay isang hakbang na tila magandang layunin at maaaring magsalba ng maraming buhay kapag dumating ang oras ng panganib.


Kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao na ikinasawi ng hindi bababa sa 47 katao, ang mas maigting na paghahanda sa lungsod ng Maynila. Sa pulong ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), pinasuri ang mga paaralan, ospital, lumang gusali at mga pasilidad ng gobyerno upang matiyak ang kanilang tibay at kahandaan sakaling maranasan ng Metro Manila ang tinatawag na “The Big One.”


Bahagi rin ng direktiba ang regular na earthquake simulation sa mga pampublikong paaralan, kabilang ang city-run institutions gaya ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UDM). Mahalagang mahasa ang mga estudyante, lalo na ang mga batang nasa Kindergarten at Grade 1, upang maging natural na sa kanila ang tamang kilos sa oras ng lindol. Hindi naman kinakailangang sabay-sabay gawin ang drills dahil maaaring magtakda ang bawat paaralan ng sariling iskedyul sa loob ng buwan.


Humingi rin ng suporta ang lokal na pamahalaan sa mga pambansang ahensya para sa pagsasagawa ng simulation exercises at paggamit ng makabagong teknolohiya, kabilang ang heat-seeking drone na maaaring makatulong sa rescue at retrieval operations. Samantala, inihayag din na handa ang Maynila na magpadala ng tauhan para tumulong sa mga lugar sa Mindanao na naapektuhan ng lindol, kabilang ang Cotabato, General Santos City at Sarangani.


Matapos ang malakas na pagyanig sa Mindanao, isinailalim sa high alert status ang Maynila bilang bahagi ng regular na paghahanda ng lungsod sa anumang malakas na lindol, gaano man ito kalayo.


Hindi sapat ang dasal at pag-asa lamang kapag sakuna ang pinag-uusapan. Ang tunay na kahandaan ay nagsisimula sa disiplina, kaalaman at maayos na sistema. Kung magiging seryoso ang mga opisyal at makikiisa ang taumbayan, mababawasan ang takot at pagkalito sa oras ng sakuna.


Malinaw ang aral mula sa trahedyang naranasan ng Mindanao, hindi dapat hinihintay ng bansa ang mas malaking pinsala bago kumilos. Ang paghahanda ay hindi luho o palabas lamang ng pamahalaan kundi responsibilidad na direktang konektado sa kaligtasan ng bawat mamamayan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page