Huling kaway, nauwi sa malagim na pagkamatay
- BULGAR

- 4 hours ago
- 5 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | July 13, 2026
ISSUE #403
Ang kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito ay hango sa kaso na may pamagat na People of the Philippines vs. Stephen Responso Llenos, Jestonie Maghanoy aka “Tonton”, Romel Jabiguero aka “Badong Galarpe”, Alyas “K-John” (Criminal Case No. 2021-4062, June 21, 2024).
Ito ay tungkol sa malagim na pamamaslang sa biktima na nagngangalang Ric at ang pagkasangkot dito ni alyas “K-John”. Sino nga ba ang pumaslang kay Ric at may pagkakasala nga ba si “K-John”?
Sama-sama nating tunghayan ang mga kaganapan sa kanilang kuwento at alamin ang mga kasagutan sa mga tanong na ito.
Si “K-John” ay nadawit sa kasong murder kaugnay sa naging pamamaslang kay Ric. Naganap ang karumal-dumal na krimen bandang alas-10:30 ng gabi noong ika-28 ng Nobyembre 2020 sa Manticao, Misamis Oriental.
Batay sa paratang na inihain sa Regional Trial Court (RTC) ng Initao, Misamis Oriental, nagsabwatan at nagtulungan sina Stephen, alyas “Tonton”, alyas “Badong Galarpe” at “K-John”, nang may pagtataksil, malinaw na paghahanda at intensyon na pumaslang, gamit ang kanilang higit na lakas sa pananalakay at pamamaril kay Ric.
Ang dalawang tama ng bala sa ulo na tinamo ni Ric ang naging sanhi ng kanyang agarang kamatayan.
Maliban sa mga dokumentong inihayag bilang ebidensya, ipinrisinta rin ang testimonya ni Bliss, anak ng biktima.
Batay sa kanyang direktang testimonya, dumating diumano noong gabing iyon si Bliss sa tindahan ng kanyang ama sa Manticao, Misamis Oriental, at doon ay nakita niya sina Stephen, “Tonton”, “Badong Galarpe” at “K-John”.
Kilala niya umano si “K-John,” sapagkat pareho silang pumapasok sa iisang pangkolehiyo. Diumano, kumaway sina Stephen, “Tonton,” “Badong Galarpe” at “K-John” sa kanyang ama, matapos nito ay lumapit ang kanyang ama sa naturang grupo.
Lubhang ikinagulat diumano ni Bliss nang bigla na lamang bumunot ng baril si Stephen mula sa baywang nito at binaril ang kanyang ama. Agad naman diumanong nagtakbuhan sina “Tonton”, “Badong Galarpe” at “K-John”.
Sa isinagawang cross-examination kay Bliss, kanyang nilinaw na si Stephen lamang ang kumaway kay Ric, at inulit din niya ang naunang testimonya na nagtakbuhan sina “Tonton,” “Badong Galarpe” at “K-John” matapos na barilin ni Stephen ang kanyang ama.
Matapos maihain ng Tagausig sa hukuman ang lahat ng kanilang ebidensya, naghain si “K-John,” sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan A.J.A. Braña mula sa PAO- Initao, Misamis Oriental, ng mosyon upang makapagsumite ng Demurrer to Evidence. Pinahintulutan ng hukuman ng paglilitis ang nasabing mosyon.
Sa kanyang inihain na Demurrer, hiniling ni “K-John” sa hukuman ng paglilitis ang pagbabasura ng kaso laban sa kanya bunsod ng kakulangan ng ebidensyang nag-uugnay sa kanya sa krimen.
Binigyang-diin ni “K-John” na ang pagpapalagay ng kawalan ng kasalanan ng isang akusado ay ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas.
Sa kasong ito, hindi nagapi ng Tagausig ang pagpapalagay ng kawalan niya ng kasalanan. Partikular niyang iginiit na hindi naitaguyod ng saksi ng Tagausig na mayroon siyang hayagang kilos na nagpakita ng pakikipagsabwatan at pakikipagtulungan sa pamamaril at pamamaslang sa biktima. Kung kaya ay nararapat lamang na ibasura ang kaso laban sa kanya.
Hindi na naghain ng komento o oposisyon ang Tagausig sa nabanggit na Demurrer ni “K-John”.
Matapos ang masinsinang pag-aaral sa Demurrer to Evidence ni “K-John,” naglabas ng Resolusyon ang RTC ng Initao, Misamis Oriental na nilagdaan ng Namumunong Hukom noong ika-21 ng Hunyo 2024.
Sumang-ayon ang hukuman ng paglilitis kay “K-John” na hindi sapat ang ebidensya ng Tagausig sa pagtataguyod ng kanyang pagkakasala ng higit pa sa makatuwirang pagdududa.
Ipinaalala ng hukuman ng paglilitis na bagaman ang alegasyon ng conspiracy (pakikipagsabwatan) at pakikipagtulungan ng mga akusado ay hindi kinakailangan na mapatunayan ng direkta na ebidensya sapagkat maaari itong maitaguyod ng circumstantial evidence, kinakailangan naman na mapatunayan ang alegasyon na ito sa pamamagitan ng positibo at kapani-paniwalang ebidensya, hindi batay sa pagpapalagay o haka-haka lamang. Paglilinaw rin ng RTC na ang presensya ng akusado sa pinangyarihan ng krimen, maging ang kanyang hindi pagkibo o hindi pagkilos upang pigilan na mangyari ang krimen, ay hindi agad nangangahulugan ng kanyang pakikipagsabwatan.
Ang partikular na dapat maitaguyod ng Tagausig ay ang hayagang ginawa ng bawat akusado na nagpapakita ng kanilang pagsang-ayon sa plano o layuning kriminal.
Sa kasong ito, bagaman positibo na kinilala ni Bliss si “K-John” at naroon ang huli bago at nang maganap ang krimen, maituturing na isang haka-haka lamang ang bintang na sabwatan sa pagitan ni “K-John” at ng kanyang mga kapwa-akusado sapagkat hindi naitaguyod ng testimonya ng nasabing saksi na mayroong paunang plano o kasunduan ang mga akusado kaugnay sa ginawang pamamaslang sa biktima.
Maging ang ginawang pagtakbo ni “K-John” matapos na barilin ang biktima ay hindi sapat na katibayan ng pakikipagsabwatan at pakikipagtulungan niya kay Stephen sa pamamaril at pamamaslang sa biktima.
Tulad ng iginiit ni “K-John,” sa tulong ni Manananggol Pambayan A.J.A. Braña, ang pagtakbo ni “K-John” ay maaaring bunsod ng kanyang matinding takot na masangkot o madamay sa krimen, o na siya naman ang pagbalingan at barilin ng salarin.
Para din sa hukuman ng paglilitis, walang batayan sa katotohanan at hindi rin maaaring isapantaha ang pagsasabwatan sa pagitan ng mga akusado. Binigyang-diin ng RTC:
“In criminal law, an overt act is some actual, outward, physical action, as opposed to mere talks or plans. The overt act must be a real step toward carrying out the crime. Preliminary preparations to commit the crime are not enough. The overt act has to be more of a step toward actually committing the crime, after all the preparation has been made. To constitute an overt act of committing the crime, the accused must have demonstrated any outward act done in pursuance thereof. In the crime of murder, the essential act is killing the victim, or any outward act/s intently leading to the death of the victim.”
Sa kasong ito, walang naiharap na ebidensya ang hukuman ng paglilitis na nagpapakita o nagpapatunay ng lantaran na partisipasyon ni “K-John” sa ginawang pamamaril kay Ric na nagdala sa nasabing biktima sa huling hantungan.
Dahil sa malinaw na kabiguan ng Tagausig na itaguyod nang higit pa sa makatuwirang pagdududa ang pagkakasala ni “K-John” sa naganap na pamamaslang kay Ric, minarapat ng RTC ng Initao, Misamis Oriental na ipag-utos ang pagbabasura ng kaso laban sa nasabing akusado. Ang Resolusyon na ito ng hukuman ng paglilitis ay hindi na inapela o kinuwestyon pa.
Tulad ng bawat isa sa inyo na aming mga mambabasa, hangad din namin na makamit ng bawat biktima ang karampatang hustisya. Gayunman, hindi maaaring kapalit nito ang kawalan naman ng hustisya para sa mga taong maling nahahabla.
Napawalang-sala man si "K-John" dahil hindi napatunayan ang kanyang partisipasyon sa krimen, nawa'y mapanagot ang tunay na kumitil sa buhay ni Ric upang tuluyang makamit ng kanyang pamilya at ng kanyang alaala ang inaasam na hustisya.





Comments