Karapatang maghabla sa pag-atras sa kasal

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 16, 2026

Dear Chief Acosta,
Dalawang taon na po kaming magnobyo ng ex-fiance ko, at nakatakda na kaming magpakasal noong Marso. Marami na po kaming ginastos sa paghahanda para sa kasal, kasama ang paanyaya sa mga bisita, gown, at reserbasyon sa lugar ng kasal. Ilang araw bago ang kasal, biglang nagpaalam ang ex-fiance ko na hindi na diumano niya kayang ituloy ang kasal at hindi na siya nagpakitang muli sa akin. Napahiya po ako sa harap ng mga kamag-anak at kaibigan namin, at naubos din ang pera ko sa preparasyon sa kasal. May karapatan po ba akong maghabla laban sa kanya?
– Vevelyn
Dear Vevelyn,
Para sa iyong kaalaman, sinagot na ng Korte Suprema ang halos katulad na sitwasyon sa kaso ng Beatriz P. Wassmer vs. Francisco X. Velez (G.R. Blg. L-20089, Disyembre 26, 1964), sa panunulat ni Honorable Associate Justice Jose P. Bengzon.
Sa nasabing kaso, sina Beatriz Wassmer at Francisco Velez ay nagkasundong magpakasal. Kumuha sila ng marriage license, at ginawa na nila ang lahat ng paghahanda, kasama ang pag-imbita sa mga bisita. Ngunit dalawang araw bago ang kasal, iniwanan ni Velez ng sulat si Wassmer na nagsasabing kailangan niyang ipagpaliban ang kasal dahil tutol umano ang kanyang ina, at paalis siya. Kinabukasan, nagpadala pa siya ng telegrama na nagsasabing babalik siya at walang nagbago, ngunit hindi na siya bumalik o nagparamdam pa.
Naghain si Wassmer ng kaso para sa danyos. Bilang sagot, iginiit ni Velez na hindi siya dapat managot dahil walang probisyon sa New Civil Code of the Philippines na nagpaparusa sa "breach of promise to marry." Ayon mismo sa Korte Suprema:
“Surely this is not a case of mere breach of promise to marry. As stated, mere breach of promise to marry is not an actionable wrong. But to formally set a wedding and go through all the above-described preparation and publicity, only to walk out of it when the matrimony is about to be solemnized, is quite different. This is palpably and unjustifiably contrary to good customs for which the defendant must be held answerable in damages in accordance with Article 21 aforesaid.”
Ayon sa Artikulo 21 ng nasabing Code, na binanggit ng Hukuman:
"Any person who willfully causes loss or injury to another in a manner that is contrary to morals, good customs or public policy shall compensate the latter for the damage."
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na bagaman totoong hindi actionable ang isang simpleng breach of promise to marry, iba na ang sitwasyon kapag ang pag-atras ay ginawa matapos gawin ang lahat ng seryosong paghahanda at pampublikong anunsyo ng kasal, dahil ang biglaang pag-iwan sa sandaling ito ay itinuturing nang labag sa mabuting kaugalian at moralidad, kaya't maaaring magkaroon ng pananagutan ang gumawa nito sa ilalim ng Artikulo 21 ng New Civil Code.
Kaya naman, batay sa doktrinang inilatag sa Wassmer vs. Velez, maaaring may sapat kang batayan upang maghabla ng kaso para sa danyos laban sa iyong ex-boyfriend. Maaari ituring ang mga nangyari na hindi simpleng "breach of promise to marry," kundi isang aksyong nagdulot ng pagkasira ng iyong dignidad at pagkabigo pagkatapos ng seryosong paghahanda at pampublikong pangako ng kasal, na sapat nang batayan para sa moral, actual, at exemplary damages sa ilalim ng Artikulo 21 ng nasabing Code.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments