Hubaran ng maskara ang umano’y sabwatan sa DOE at oil companies
- BULGAR

- 9 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 13, 2026

PAGTALAGA KAY MAYOR BASTE DUTERTE BILANG PDP-LABAN, MASAMANG PANGITAIN SA MARCOS ADMIN KASI MALAMANG SIYA ANG LUMABAN SA PAGKA-PRESIDENTE ‘PAG NA-IMPEACH SI VP SARA – Pormal nang itinalaga si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang bagong pangulo ng PDP-Laban, habang ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay nananatiling chairman emeritus ng partido.
Ang naturang hakbang ay itinuturing na mahalagang pagbabago sa liderato ng PDP-Laban, kasabay ng patuloy na paghubog ng direksyon ng partido para sa mga susunod na halalan.
May mga nagsasabing maaari itong magbukas ng panibagong dinamika sa pulitika sa bansa, lalo na sa mga susunod na eleksyon, ngunit sa ngayon ay wala pang pormal na pahayag na nag-uugnay dito sa anumang partikular na planong elektoral sa 2028. Period!
XXX
MGA PROPAGANDISTA NG MARCOS ADMIN, TINATALO NG MGA FAKE NEWS VLOGGERS SA SOCIAL MEDIA – Humihingi ng tulong ang Presidential Communications Office (PCO) sa Meta, ang kumpanyang nagpapatakbo ng Facebook, upang makatulong sa pag-alis at pag-block ng mga pekeng balita na kumakalat laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa Malacañang.
Ayon sa PCO, layunin nitong mapigilan ang pagkalat ng disinformation sa social media at maprotektahan ang publiko mula sa maling impormasyon. Boom!
XXX
HUBARAN NG MASKARA ANG MGA BUWAYA SA DEPT. OF ENERGY – Nais ni Manila 2nd District Rep. Rolan Valeriano na imbestigahan ng Kamara ang umano’y sabwatan ng Department of Energy (DOE) at mga kumpanya ng langis.
Ayon kay Valeriano, may sapat pa umanong stock ng krudo ang mga oil company bago sumiklab ang tensyon sa Middle East, ngunit agad silang nagtaas ng presyo kinabukasan matapos ang giyera. Aniya, nakapagtataka rin na tila walang naging malinaw na aksyon ang DOE sa naturang pagtaas.
Dagdag pa ng kongresista, sa kasalukuyan ay bumababa ang presyo ng langis sa international market kasunod ng ceasefire sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, ngunit hindi pa rin agad nagre-rollback ang mga kumpanya ng langis sa bansa. Kung may bawas man, aniya, ito ay minimal lamang kumpara sa inaasahang pagbaba ng presyo.
Hinihiling ngayon ni Valeriano ang agarang pag-apruba ng Speaker sa isinusulong na imbestigasyon upang matukoy ang katotohanan sa isyu. Period!
XXX
DAPAT ‘WAG LANG SA SMUGGLED YOSI MAGPAPABIDA ANG CUSTOMS, MAGPABIDA RIN SILA SA PAGKUMPISKA NG MGA SMUGGLED AGRI-PRODUCTS – Panay pabida ang Bureau of Customs (BOC) sa mga nakukumpiska nitong mga smuggled na sigarilyo.
Sana, ipagpatuloy din ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang mas mahigpit na kampanya laban sa mga smuggled na produktong agrikultural na sinasabing may kinalaman kina “Gerry T.” at “Leah C.” Mas mahalaga ang mga ito dahil maaari pa sanang ipamahagi sa mga mahihirap, lalo na sa gitna ng kasalukuyang krisis, kumpara sa mga sigarilyo na hindi naman maaaring ipamigay sa publiko.
Sa ganitong paraan, mas magiging kapaki-pakinabang ang mga nakukumpiskang produkto para sa mga mamamayan. Boom!




Comments