top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na

Higpitan ang online safety, huwag basta mag-ban

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 10 minutes ago
  • 2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | August 25, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa usapin ng kaligtasan ng mga bata, hindi sapat ang basta pagbabawal para masabing nalutas na ang problema. mas mahalagang tukuyin kung saan talaga nagmumula ang panganib, paano ito kumakalat online at kung anong konkretong hakbang ang makapipigil dito nang hindi nadadamay ang lahat.


Muling umuugong ang panawagang higpitan o tuluyang ipagbawal ang isang online gaming platform sa bansa matapos maiugnay umano ang paggamit nito sa isang insidente ng karahasan sa isang paaralan. Ngunit sa halip na agad sisihin ang buong platform, mas makabuluhang pagtuunan ng pansin ang partikular na content, online community at communication channels na maaaring ginagamit upang impluwensiyahan ang mga bata.


Mariing tinututulan ng Filipino Roblox Developers Association ang kabuuang pagbabawal sa platform. Para sa grupo, mas epektibong tukuyin at tugunan ang mga feature o online spaces na posibleng nagagamit sa mapanganib na panghihikayat.


Ang isang internet platform ay maaaring magkaroon ng napakaraming server, laro, community at uri ng content. Kung may partikular na bahagi na nagdudulot ng panganib, dapat itong matukoy upang maipatupad ang angkop na proteksiyon. Hindi rin garantiya na mawawala ang problema kapag isang platform lamang ang isinara. Maaaring lumipat ang mga mapanlinlang na indibidwal sa iba pang online spaces at ipagpatuloy ang kanilang ginagawa.


Mahalaga rin ang ebidensiya bago magpatupad ng malawakang pagbabawal. Hindi dapat pagbatayan ang hinala, pagkakahawig ng content o paraan ng pag-record upang agad magtakda ng pananagutan. Ang pagkuha ng video mula sa first-person point of view, halimbawa, ay hindi awtomatikong nangangahulugang ginaya ito mula sa isang partikular na uri ng laro.


Gayunman, hindi rin nangangahulugang dapat balewalain ang panganib na maaaring harapin ng mga bata online. Kailangan ng mas mahigpit na monitoring, mas malinaw na reporting systems at mabilis na pagtugon sa content o communication channels na naglalagay sa mga menor de edad sa panganib.


Dito dapat pumasok ang pananagutan ng pamahalaan, mga platform, paaralan at magulang. Hindi sapat ang pagbabawal kung walang kasunod na edukasyon at proteksiyon. Kailangang turuan ang mga bata na kumilala ng mapanganib na impluwensiya, habang dapat namang tiyakin ng mga online platform na hindi madaling naaabot ng mga mapagsamantala ang kanilang mga batang user.


Ang tunay na layunin ay hindi ang pagbabawal para lamang masabing may ginawa. Ang dapat unahin ay ang kaligtasan ng mga bata. Kung may panganib, tukuyin, patunayan at tugunan. Sa panahon ng mabilis na paglawak ng internet access, mas kailangan ang matalinong regulasyon kaysa padalus-dalos na pagbabawal.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page