Heat index umaabot na sa danger level, publiko, doble-ingat
- BULGAR

- Apr 27
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | April 27, 2026

Mag-ingat sana ang lahat, dahil sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin, dagdag-pasanin pa ngayon ang nagbabagang panahon na tila nagpaparusa sa mga manggagawa, estudyante, tsuper, vendor, at mga karaniwang mamamayan na araw-araw nakikipagsapalaran sa lansangan.
Hindi biro ang babala ng PAGASA dahil umabot sa danger level ang heat index sa ilang bahagi ng bansa. Kapag ganito kainit, hindi lang pawis ang puhunan kundi pati kalusugan at buhay ng tao ang nalalagay sa alanganin.
Nasa 14 lugar ang makararanas ng mapanganib na heat index mula 42°C hanggang 45°C. Pinakamataas ang inaasahan sa Dumangas, Iloilo at Butuan City, Agusan del Norte na parehong 45°C. Sumunod ang Aborlan, Palawan; La Granja sa La Carlota, Negros Occidental; at Borongan, Eastern Samar na aabot sa 44°C. Nasa 43°C naman ang San Ildefonso, Bulacan; Iloilo City; Catbalogan, Samar; at Cotabato City.
Samantalang 42°C ang inaasahan sa Sangley Point, Cavite; Roxas City; Mamburao; VSU Baybay, Leyte; Guiuan, Eastern Samar; at iba pang lugar.
Nagbabala rin ang PAGASA na sa init na 42°C hanggang 51°C, posibleng makaranas ng heat cramps at heat exhaustion.
Kapag napabayaan, maaari itong humantong sa mas malalang kondisyon lalo na sa matatanda, bata, buntis, at may iniindang sakit.
Isa itong seryosong usapin sa kalusugan ng publiko.
May ilan pang lugar na makararanas ng 40°C hanggang 41°C gaya ng Aparri, Puerto Princesa, Legazpi, Tacloban, Zamboanga City, Davao City, Tuguegarao, Dagupan, Nueva Ecija, Tarlac, Batangas, Cebu, Surigao at iba pa. Halos mula Luzon hanggang Mindanao, dama ang bagsik ng init. Sa madaling sabi, walang ligtas sa epekto nito.
Habang may inaasahang maulap na panahon at pag-ulan sa Batanes dahil sa frontal system, malaking bahagi ng bansa ay mananatiling maalinsangan na may tsansang panaka-nakang thunderstorm. Ngunit kahit umulan, hindi agad nawawala ang init na naipon sa kapaligiran.
Dapat seryosohin ito ng pamahalaan at lokal na mga opisyal. Kailangang may libreng tubig sa matataong lugar, maayos na waiting shed, lilim sa terminal, at agarang paalala sa komunidad. Hindi sapat ang simpleng advisory kung walang konkretong aksyon.
Ang matinding init ay paalala na ang ordinaryong mamamayan ang unang sumasalo sa epekto ng pabagu-bagong klima. Kapag hindi naghanda ang bawat isa at hindi kikilos ang gobyerno, ang init ng panahon ay maaaring magdulot ng mas mainit na problema para sa lahat.





Comments