Hamon sa PhilHealth, ayusin ang sistema at benepisyo para sa mga miyembro
- BULGAR

- 4 days ago
- 2 min read
ani Judith Sto. Domingo @Asintado | May 1, 2026

Kamakailan ay sumulat sa atin ang ating masugid na tagasubaybay na si Ginoong Rudy Ruiz patungkol sa PhilHealth Circular 2025-0007 na nagpapalawig sa 45 na araw na dating limitasyon ng nasabing ahensya sa pagbibigay ng benepisyo sa mga miyembro.
Minamandato ng nasabing kautusan na dapat makatanggap pa rin ng benepisyo mula sa PhilHealth ang mga miyembrong kinakailangang mamalagi sa pagkupkop ng ospital kahit lampas na sa 45 araw.
Napapanahon at nararapat lamang ito, gaya ng panawagan ni Ginoong Ruiz, sapagkat wala namang may pagnanais na mamalagi sa ospital nang matagal—bukod sa magastos na ay mahirap pa sa katawan ng may karamdaman.
Dapat asintaduhin ng PhilHealth hindi lamang ang pagpapatupad nito, kundi pati ang pinakatamang kompyutasyon ng mga benepisyong dapat ibigay sa miyembrong pasyente. Ang hirap na ngang magkasakit, tapos pahaharapin ka pa sa sistemang masalimuot at mabagal pa.
Naalala ko tuloy noong pumanaw ang aking minamahal na ina noong 2019 bago ang pandemya. Kakarampot lamang noon ang ibabawas sana mula sa kanyang hospitalization benefit galing sa PhilHealth dahil ang kanyang karamdaman ay pneumonia. At dahil sa kahirapan ng proseso noon ay minabuti kong huwag na lamang i-avail ito kaysa maging dagdag pahirap at abala pa para sa inyong lingkod.
Hindi lamang dapat pinansiyal na benepisyo ang paghusayin ng PhilHealth, ngunit maging ang pagpapadali sa proseso na hindi na dapat tumagal pa ng kahit ilang sandali. Bawat minuto ng paghihintay o pagpapahirap nang walang basehan ay pasakit na ganap sa pamilya ng isang nararatay sa karamdaman.
Sa PhilHealth, marami pa kayong maaaring magawa sa panahong ito na hirap sa buhay ang mga Pilipino tulad ni Ginoong Ruiz. Aba'y magparamdam naman kayo ng papel ninyo sa aming kalagayan para naman maging karapat-dapat kayo sa malalaking sweldo na inyong tinatamasa mula sa aming buwis.
Samantala, sa ating paglilibot sa mga tanggapan ng pamahalaan ay mayroon pa rin naman talagang napakaayos na naglilingkod sa kanilang nasasakupan.
Kung may palpak, mayroon ring dapat bigyan ng pugay tulad ng mga taga Sanitation Division ng Makati City Hall na sina Engr. Albert C. Lusterio at si Ginoong Joseph Cris B. Placer.
Nagtungo ang inyong lingkod sa nasabing tanggapan nitong Lunes at nilapitan ko ang kawaning nasa lamesa sa labas, na noon pa lamang nanananghalian. Bagama't kumakain pa ay kaagad akong pinagmalasakitan at bilang sagot sa aking katanungan ay sinamahan ako kay Ginoong Placer, na buong ngiting kaagad-agad na tumayo sa kanyang kinauupuan sa loob ng kanilang silid at ako'y tinulungan sa aking kinakailangang gawin.
Samantala, si Engr. Lusterio ay nagbigay rin ng kanyang buong husay na pag-estima sa inyong lingkod, at sa loob lamang ng 10 minuto ay natapos ko ang aking sadya. Sana'y lahat ng kawani ng pamahalaan ay kagaya nila na may puso at simpatiya para sa pinagsisilbihang taumbayan.
Para sa mga lingkod ng gobyerno na naririyang nakatanghod lamang at babagal-bagal at pupungas-pungas, alalahanin ninyong inyong kinakatawan ang pamahalaang ang pinagmumulan ng kapangyarihan ay taumbayan, kaya't huwag niyong ipahiya at sirain ang hanay ng mabubuting lingkod nito dahil sa inyong pagiging makasarili. Tularan nawa niyo ang mga tulad nina Ginoong Placer at Engr. Lusterio.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




Comments