top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 24, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Sa malawakang pag-analisa, hayaan ninyong talakayin rin naman natin sa puntong ito ang ilan sa mga kaaya-ayang pag-usad, gaano man kaliit, ng mga sistema ng ating lipunan, na baka hindi pa ninyo nababatid o nararanasan. 


Nais kong ibahagi sa inyo na kamakailan ay dinala natin sa emergency section ng pribadong pagamutan sa Makati City ang ating malapit na kaibigan. Ipinabatid sa amin sa simula pa lamang na sa mga test at procedure na gagawin ay aabot sa P30,000 ang tinatayang babayaran. Ang nakatutuwang mabatid ay nangalahati ito sa P14,000 na lamang dahil sa benepisyong mula sa PhilHealth. Aba'y malaking tulong ang kabawasang ito sa pasyenteng may natira pang pantustos sa mga gamot na kailangang imintina para sa patuloy na kalusugan. 


Mas lumiit na rin ang kailangang bayaran para sa medical procedure na endoscopy, tulad ng paglalahad sa atin ng isang taga-gobyernong humingi ng tulong sa inyong lingkod para sa kanyang kabiyak. 


Matimyas ang pangarap ng ating mga kababayan na hindi na nila kailangan pang problemahin ang pagpapagamot, maging sa pinipili nilang pribadong pagamutan. Nawa'y palakasin pa ang sistema ng social services sa bawat ospital para naman hindi na kailangang mahirapan sa pagpila roon ang ating mga maysakit na kababayan. 


Ngayong ang mga Guarantee Letters ay sa Department of Health (DOH) na raw magmumula at hindi na sa mga pulitiko, aba'y dapat ipabatid sa publiko ang sistema nito sa ngalan ng pagiging hayag at patas. Batid nating maaari ring makagamit ng DOH GL ang mga naka-confine sa pribadong ospital tulad ng St. Luke's Medical Center at iba pa. Ipaalam na ninyo ng hayagan sa taumbayan kung paano ang proseso nito upang hindi lamang yaong may mga kakilala sa gobyerno ang nagkakamit ng tulong na ito. 


Marami-rami na rin tayong naisulat noong nagdaang mga buwan sa espasyong itong tila dininig ng pamahalaan na atin namang ikinatutuwa. 


Isa na rin dito ang pag-aayos sa tinatawid nating rail system sa kalsada na pinatag na ang ilan sa mga ito para hindi makapagpabagal sa daloy ng trapiko habang kinukumpuni ang nasabing sistema ng pampublikong transportasyon. 


Ang isang hindi pa nasasagot nating panawagan ay ang tuluyan nang maibsan ang ating mga kalsada ng mga sasakyang naglalabas ng malapusit na usok na nakapanggigitata sa mga pasahero at nagdudulot ng peligro sa kalusugan. 


Sa ilalim ng ating mga batas ay hindi dapat nairerehistro o hindi dapat pinapayagang pumasada ang mga ganitong uri ng behikulo. Nawa'y huwag magpatumpik-tumpik ang Department of Transportation sa pagsasaayos ng sistema ng ating pampublikong transportasyon. 


Isa sa dahilan kaya nauunsiyami ang mga banyagang turista sa bansa ay ang maruming usok mula sa mga sasakyan na kanilang pwersadong langhapin sa pagbaybay sa Metro Manila lalo na. Hindi na tayo nagtataka kung bakit 6.4 milyong banyagang turista lamang at hindi umabot sa walong milyon ang nagtungo sa ating bansa nitong nakaraang taon. 


Alam ba ninyo ang tinatawag na teorya ng "basag na bintana"? Kapag may isang naiwang basag na bintana sa isang pasilidad at hindi ito inaayos ay kalaunan ay may mga mababasag pang mga bintana. Kapag hindi natin pinapansin at pinagmamalasakitan ang sistema ng ating lipunan at nananahimik na lamang tayo, patuloy na dadami pa ang mga sira at bulok sapagkat nagiging sanay at hindi na lamang pinapansin ng taumbayan ang mga ito.


Kaya't huwag nating tantanan ang pagpapahayag ng pagngingitngit at panawagan ng pagbabago sa buong sistema ng gobyerno. Marami pang nagtatagong kabulukan na dapat nang malantad!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 16, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Kaabang-abang ang darating na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Lunes, sa pangunguna ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, tungkol sa mga maanomalyang flood control projects ng pamahalaan.


Aba’y matagal na itong hinihintay ng marami nating kababayang abot-langit na ang galit, na talaga namang naiinip na at natatagalan sa pagpapanagot at pagpapakulong sa mga sangkot.


Inaasahan nating maraming maglalabasang salaysay sa pagdinig tungkol sa pagkukuntsaban ng mga salarin na walang pagmamalasakit sa kapakanan ng bayan at mamamayan, makaligtas lamang ang kanilang mga padrino o sarili.


Nakakagalit na wala pa ring nakukulong na mataas na opisyal ng pamahalaan—bagay na lalong nagpapasilakbo sa poot ng taumbayan!


Habang tumatagal, natural lamang na ang pinakanakatatanggap ng ngitngit at pagtuligsa ay ang nakaluklok na administrasyong Marcos Jr. 


May kasabihan nga: “Ang hustisyang naaantala ay hustisyang ipinagkakait.”

Ipinagkakait sa taumbayan ang mamalas ang agarang pagpapanagot sa mga inaakusang nangulimbat sa kaban ng bayang dapat sanang napunta para sa kapakanan ng nagtitiis sa hirap nating mga kababayan. Ipinagkakait sa kanila ang maramdamang walang sinisino ang liderato ng gobyerno at hindi mangingiming lipulin ang mga magnanakaw at mapagsamantala.


Ang mga pagsisikap ng pamahalaan ay hindi tatalab kapag hindi lubusang naramdaman ang buong lakas nitong pagtutok sa isyu ng paglaban sa korupsiyon. Sapagkat korupsiyon ang matagal nang problema sa buong sistema ng gobyerno, na tila naging mas masahol pa sa paglipas ng mga taon.


Pangulong Marcos Jr., mas paigtingin pa ninyo ang pag-atas sa inyong bawat tagapanguna sa bawat departamento at ahensya ng pamahalaan na unahin muna ang pagbusisi sa lahat ng sulok at butas na dinadaanan ng korupsiyon, sapagkat napakarami ng mga iyan, lalo na sa mga ahensyang nagbibigay ng mga samu’t saring lisensyang kinakailangan sungkitin ng mga kailangang kumuha ng mga ito.


Araw-araw harinawa nating maringgan ng ulat ang mga tagapangunang ito tungkol sa kanilang ginagawang pagkakalkal ng mga maruruming kalakaran sa opisinang kanilang kinasasakupan—nang may pagnanasang gawing daluyan ng tunay na kagaanan ang mga mamamayan.


Napakadali namang malaman kung nasaan ang mga sulok na iyan, ’di ba, at hindi na kailangang maghintay lamang ng magsusumbong. Mag-imbestiga sila motu proprio kung talagang buo ang loob nilang nais linisin ang gobyerno.


Unahin muna ang pagsawata sa korupsiyon! Alisin ang mga kawatan at magnanakaw sa lahat ng ahensya ng gobyerno! Imbestigahan ang lifestyle ng mga iyan at magkakabistuhan kung sino ang may ginagawang manipulasyon sa dilim at nang-aagaw ng kinabukasan ng bawat Pilipino. Tulad nang nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo, gising na gising na ang kamalayan ng taumbayan.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 9, 2026



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Kumusta ang inyong pagsalubong sa 2026? Sana ay nakapahinga kayo nang sapat nitong nagdaang mahabang bakasyon at napuno muli ng sigla sa pagharap sa Bagong Taon. 


Kung napagbulay-bulayan na ninyo ang mga kaganapan at paano ninyo hinarap ang nakaraang taon ng 2025, sana ay nakalikom kayo ng matibay na mga reyalisasyon, aral o karunungang dadalhin sa kasalukuyang taon. 


Ilan sa mga maaaring kabilang sa mga pagtatanto na ito ay ang mga sumusunod: 


  • Huwag katamaran ang pagbabasa sa araw-araw para lumalim ang kaalaman tungo sa pagbuti ng kalagayan sa buhay. 

  • Huwag maging magastos at maging masinop sa pananalapi para may mahugot sa gitna ng pangangailangan. 

  • Huwag makuntento sa taglay na skills o mga kasanayan, bagkus ay hasain pa o dagdagan ang mga ito para maging kalasag sa mga hamon ng buhay. 

  • Iwaksi ang mga kaisipang negatibo na nagpapahirap sa puso't kalooban at piliing maging positibo lagi ang pananaw para magkaroon ng ibayong lakas na tahakin ang lakbayin tungo sa pangarap. 

  • Humarap sa araw-araw na buo ang loob at may ganap na pananampalataya sa Diyos. 


Gayunman, bilang mga Pilipino ay marami tayong pangarap para sa kasalukuyang taon. Matingkad sa mga ito ang mga sumusunod:

  • Mapagtibay na harinawa ang mga kaso laban sa tiwaling mga opisyal ng gobyerno at makasuhan sila at mapanagot tulad ng nararapat—lalo na ang mga mambabatas na milyun-milyon ang diumano'y kinamal mula sa kaban ng pamahalaan. 

  • Matanggal o maetsapuwera na ang mga kalabisang buwis na hindi na dapat ipinapataw sa mga ordinaryong Pilipino tulad sa sistema ng ibang mga bansa. 

  • Maging maayos na ang sistema ng healthcare sa buong Pilipinas, upang hindi na kailangang pumila tulad ng mga basang sisiw sa mga pagamutan o umamot ng kakarampot na tulong ang mga nagkakasakit nating kababayan.

  • Maging mas abot-kaya ang presyo ng mga pagkain, para wala nang kumalam na sikmura samantalang busog na busog naman ang mga nasa kapangyarihan. 

  • Mawala na ang mga sasakyang nagbubuga ng maiitim na usok sa daan, na noon pa dapat hindi na pinayagang mairehistro sapagkat sakit at peligro ang dulot ng mga ito. 

  • Maayos na ang mga baku-bakong kalsada lalo na ang mga main thoroughfares, na nagpapabagal lalo na sa daloy ng trapiko at nagpapalugmok sa katawan ng pagod na nating mga pasaherong galing sa trabaho. 

  • Mawala na ang talamak na sistema ng korupsiyon, sa pamamagitan ng paghihigpit sa mga daluyan nito sa pamahalaan at pagpapanagot sa lahat ng tiwali nang walang sinisino o sinasanto. 


Isang mapagpalang taong 2026 ang sumaating lahat! 


Pasasalamat at pagbati sa ating pinagpipitagang Sison family ng pahayagang ito, sa pangunguna ni Ms. Leonida "Nida" Sison, at kanyang mga anak na sina Ryan at Michelle. Mabuhay!


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page