top of page
TALKIES - KAREN, PROUD NA PROUD NA NAKAUSAP SI ANGELINA JOLIE_FB Karen Davila.jpeg

Graduation ay karapatan, hindi pribilehiyo

Writer: BULGAR
BULGAR
19 hours ago
2 min read

ni Leonida Bonifacio-Sison @Boses | November 14, 2026



Boses column ni Leonida Sison


Sa bawat estudyanteng umaakyat sa entablado tuwing graduation, hindi lamang diploma ang dala niya kundi mga taon ng pagsisikap, sakripisyo at pangarap ng buong pamilya. Kaya hindi makatarungang ipagkait sa isang magtatapos ang pagkakataong makiisa sa seremonya dahil lamang sa hindi pa nababayarang obligasyon sa paaralan.


Isang mahalagang hakbang ang pagpasa ng Kamara sa ikalawang pagbasa sa House Bill 11579 o Kapakanan ng Magsisipagtapos Bill. Layunin nitong ipagbawal sa mga paaralan ang paghadlang sa mga estudyanteng may hindi pa nababayarang pera o pananagutang may kaugnayan sa kagamitan at iba pang ari-arian ng paaralan na makadalo at makilahok sa graduation ceremony.


Sa gitna ng mataas na gastusin sa edukasyon, maraming pamilya ang nahihirapang tustusan ang matrikula, proyekto, bayarin at iba pang pangangailangan ng kanilang mga anak. May mga estudyanteng nakatapos sa kabila ng kakulangan sa pera, kaya masakit isipin na maaaring hindi nila maranasan ang mismong seremonyang pinaghirapan nilang marating dahil lamang sa natitirang utang.


Dapat maunawaan na ang graduation ay hindi simpleng pagtitipon o pagmartsa sa entablado. Para sa mga magulang na nagsikap at nagtiis upang mapag-aral ang kanilang mga anak, isa itong mahalagang sandali na nagsisilbing bunga ng kanilang mga sakripisyo. Karapat-dapat lamang na maranasan ito ng mga magtatapos, anuman ang kanilang kalagayang pinansiyal.


Gayunman, hindi rin nangangahulugan ang panukala na mawawala na ang obligasyon ng estudyante sa paaralan. Mananatili ang pananagutan nilang bayaran ang anumang utang o isauli ang mga ari-ariang hindi pa naibabalik. May karapatan pa rin ang mga paaralan na ipagpaliban ang paglalabas ng diploma, transcript of records at iba pang dokumento hangga’t hindi natutupad ang mga kailangang bayaran.


Mahalaga ring bigyan ng kapangyarihan ang Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magtakda ng mga parusa sa mga paaralang lalabag sa magiging batas. Sa ganitong paraan, mapangangalagaan ang karapatan ng mga mag-aaral nang hindi inaalis ang karapatan ng mga institusyong pang-edukasyon.


Hindi dapat gawing sukatan ng karapatan ng isang mag-aaral na ipagdiwang ang kanyang pagtatapos ang laman ng kanyang bulsa. Ang edukasyon ay dapat magbukas ng pagkakataon, hindi magdagdag ng bigat sa mga pamilyang kapos sa buhay. Hindi kailangang burahin ang utang upang kilalanin ang pagsisikap. Hayaan silang magmartsa, ipagpatuloy ang paniningil sa tamang paraan, at bigyan ang bawat nagsikap na magtapos ng sandaling matagal nilang pinangarap.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page