P4.3B budget ni Sandro, senador may lakas-loob kayang bawasan ito?

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 15, 2026

DAPAT IMBESTIGAHAN DIN NG AMLC ANG MGA BANK TRANSACTIONS NG MGA NAGING HOUSE SPEAKER SA ‘PINAS — Matapos ibulgar ni Anti-Money Laundering Council (AMLC) Financial Investigator Jan Mark Busa na may P4.5 billion na mga naging bank transactions si Leyte 1st Dist. Rep., former Speaker Martin Romualdez sa panahon na siya ang head ng Kamara, ang dapat gawin ng AMLC ay alamin din ang mga naging bank transactions ng iba pang naging House Speaker.
Napakaimportanteng gawin 'yan ng AMLC para malaman ng publiko kung nagkaroon din ng bilyun-bilyong transaksyon ang mga former Speaker, period!
XXX
CONG. SANDRO NANINDIGANG HINDI BABAWASAN ANG KANYANG P4.3B BUDGET, KAYA'T ANG TANONG: MAGKAROON KAYA NG LAKAS NG LOOB ANG MGA SENADOR NA BAWASAN ANG INFRA PROJECTS NG ANAK NI PBBM? — Sa kabila ng mga batikos patungkol sa napakalaki niyang budget, nanindigan si presidential son, Ilocos Norte 1st Dist. Rep. Sandro Marcos na hindi niya babawasan ang inilaan niyang P4.3 billion infrastructure projects sa kanilang lalawigan.
Nagsalita na nang ganyan si Cong. Sandro, kaya't ang tanong: Magkaroon kaya ng lakas ng loob ang mga senador para bawasan ang mga pang-projects ng anak ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Ilocos Norte? Abangan!
XXX
HUMARAP LANG SI VP SARA SA IMPEACHMENT COURT AT NALINIS NIYA ANG KANYANG PANGALAN, MALAMANG MATALO ANG MGA PRO-MARCOS CONGRESSMEN AND SENATORS SA 2028 ELECTION — Matapos sumablay ang mga testimonya ng mga testigo ng defense team, ang dapat nang gawin ngayon ni Vice President Sara Duterte ay siya na mismo ang humarap sa impeachment court upang pabulaanan ang mga alegasyon ng corruption at unexplained wealth na ipinupukol sa kanya ng prosekusyon.
Sa totoo lang, kapag naipaliwanag nang maayos ni VP Sara ang kanyang panig sa impeachment court at mapatunayan na ang lahat ng alegasyon sa kanya ay pamumulitika lang, paninira lang, ay malamang sa 2028 election ay matalo ang lahat ng mga reelectionists pro-Marcos congressmen at reelectionists pro-Marcos senators, period!
XXX
MAS PINILI NG MARCOS ADMIN ITAGO ANG MAHIHIRAP KAYSA SOLUSYUNAN ANG KAHIRAPAN — Binatikos ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang Marcos administration sa ginawang pagbabakod sa lugar ng mga mahihirap na residente sa layuning huwag makita ng mga lider ng iba't ibang bansa na dadalo sa ASEAN Summit and Related Summit ang mukha ng kahirapan sa Pilipinas.
Ang banat na post ni Diokno sa social media ay ganito: "Mas pipiliin nilang (Marcos admin) itago ang mahihirap kaysa solusyunan ang kahirapan," saklap!





Comments