Karapatan sa sustento, ano ang limitasyon?

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 15, 2026

Marami sa mga kasong idinudulog sa aming tanggapan, ang Public Attorney’s Office (PAO), ay may kinalaman sa usapin ng sustento para sa mga anak mula sa kanilang mga magulang. Ito ang malimit na nagiging paksa ng alitan ng mag-asawa, dating mag-asawa o dating nagkaroon ng relasyon sa labas ng kasal.
Nakalulungkot nga lang na sa gitna ng alitang ito ay isang bata na walang kamuwang-muwang o kinalaman sa sanhi ng hidwaan ng kanyang mga magulang.
Pinag-aawayan ng kanyang mga magulang ang isang bagay na laan sana para sa kanya dahil siya ay nabuo at iniluwal sa mundo na hindi naman niya ninais.
Ngunit parte na yata ito ng buhay ng tao sapagkat ang usapin ukol sa sustento o support ay nakapaloob sa ating batas. Ibig sabihin, kinakailangang maging paksa ito ng batas upang magkaroon ng kaayusan kapag ito ay naging dahilan ng hindi pagkakaunawaan ng mga taong nasasangkot sa usaping ito.
Ang usaping suporta ay naisulat na sa ating New Civil Code na naging epektibo noong August 30, 1950, o 76 na taon na ang nakaraan. Ito ay binigyan ng susog sa ating Family Code na naging epektibo noong August 3, 1988. Ayon sa Article 193 ng nasabing Code, ang suporta ay sumasaklaw sa lahat ng kailangan para sa ikabubuhay, tirahan, pananamit, pangangalagang medikal, edukasyon, at transportasyon, alinsunod sa kakayahang pinansyal ng pamilya.
Malinaw rito na bagama’t ang obligasyong magbigay ng suporta ay sakop ng lahat ng pangangailangang nabanggit, ito ay alinsunod din sa kakayahang pinansyal ng pamilya. Ito ay binigyang-diin sa isa pang artikulo ng batas kung saan nakalagay na:
“Article 201. The amount of support, in the cases referred to in Articles 195 and 196, shall be in proportion to the resources or means of the giver and to the necessities of the recipient.”
Alinsunod sa nabanggit na probisyon, ang limitasyon ng halaga ng suporta ay dapat na naaayon sa proporsiyon ng mga yaman o kakayahan ng nagbibigay at sa mga pangangailangan ng tumatanggap.
Malinaw rito na dalawa (2) ang pamantayan ng halaga ng suporta: ang isa ay naaayon sa kakayahan ng magbibigay na manggagaling sa halaga ng kanyang kinikita, at ang isa naman ay ayon sa pangangailangan ng tumatanggap.
Kaya naman, nararapat na maging tapat ang magkabilang panig sa pagtukoy ng makatwirang halaga ng suporta. Ang ama o ina o sinumang tao na may obligasyong magbigay ng suporta ay marapat na maging totoo kung ano ang nararapat na ibigay nito sang-ayon sa kanyang kakayahan. Ganoon din, ang humihingi ay marapat na maintindihan din ang limitasyon ng kakayahan ng taong magbibigay ng suporta.
Hindi maaaring humingi ng mas mataas na halaga sapagkat ang halaga ng suporta ay ayon lamang sa kakayahan ng taong may obligasyong magbigay ng suporta.
Ngunit hindi nangangahulugan na ang halaga ng suporta ay mapapako na sa isang halaga sapagkat ang batas ay nagtakda rin ng kakayahang umangkop o flexibility. Ito ay malinaw na nakapaloob sa Artikulo 202, kung saan sinasabi na:
“Article 202. Support in the cases referred to in the preceding article shall be reduced or increased proportionately, according to the reduction or increase of the necessities of the recipient and the resources or means of the person obliged to furnish the same.”
Kaya maaaring magbago ang halaga ng sustento ayon sa pagbawas o pagdagdag ng mga pangangailangan ng tumatanggap, at kakayahan ng taong obligadong magkaloob ng mga ito.





Comments