Goodluck sa Gilas Women sa Asia Cup
- BULGAR
- Sep 9, 2021
- 2 min read
ni VA / MC - @Sports | September 09, 2021

Pagkaraan ng mahabang panahon ng pagkaantala, nasimulan na rin ang paghahanda ng national women’s basketball team para sa nakatakda nilang pagsabak sa FIBA Women’s Asia Cup na gaganapin sa Amman, Jordan mula Setyembre 27 hanģgang Oktubre 3.
Ito ang inihayag ni Samahang Basketbol ng Pilipinas special assistant to the president na si Ryan Gregorio. Ayon kay Gregorio,nagsimula na ang Gilas women’s squad sa kanilang bubble camp sa Lipa City.
Dapat sana ay sa Inspire Sports Academy sa Calamba gagawin ang bubble camp ng national women's team ngunit dahil sa napakahigpit na health protocols dito ay napilitan silang humanap ng ibang venues na may mas maluwag ng kaunti ang mga panuntunan.
Ang mga kasama sa training camp ay sina Southeast Asian Games gold medalists Afril Bernardino, Janine Pontejos at Clare Castro kasama sina France Cabinbin, Khate Castillo, Ria Nabalan, Mar Prado, Andrea Tongco at mga baguhang sina Camille Clarin, Ann Pingol at Kristine Cayabyab sampu ng coaching staff sa pangunguna ni coach Patrick Aquino.
Inaasahang darating sa linggong ito buhat sa US si playmaker Ella Fajardo ng Fairleigh Dickinson University para makasama ng team sa training. Ang Gilas Women’s team ay nasa Group B kasama ng Asian powerhouse China, Australia at Chinese Taipei.
Samantala, ang kauna-unahang UAAP Varsity Channel ay inilunsad ng Cignal TV bilang tugon sa buong taon na programang inilaan para sa UAAP fans.
Inumpisahan ng UAAP ang partnership sa pay TV service provider na may 24/7-access sa lahat ng mga balita sa UAAP sports. Ang Cignal TV CH. 263 (HD) at SatLite CH. 55 na nagsimula kahapon ay maaari nang mabuksan ng mga bago at aktibong subscribers hanggang Okt. 15. Tampok dito ang mga non-stop basketball, volleyball, football at cheerdance action, na mapapanood ang 20-taon nang mga nakalipas na mga laro ng UAAP events maging ang mga legendary players ay itatampok din sa magazine shows.





Comments