Fuel subisidy, dapat ramdam sa lahat ng transport sector
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | May 20, 2026

Sa panahong halos bawat galaw ng mga mamamayan ay apektado ng taas-presyo, hindi ba’t magandang marinig na may dagdag-suporta para sa sektor ng pampublikong transportasyon—lalo na kung ang epekto nito ay posibleng maramdaman din ng ordinaryong pasahero?
Sa unang tingin, tila simpleng ayuda lamang ito para sa mga tsuper at operator, ngunit kung susuriing mabuti, malinaw na konektado rin ito sa araw-araw na biyahe at gastusin ng taumbayan.
Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kabuuang 141,724 unit ng passenger jeepneys at UV Express bilang benepisyaryo ng P10 kada litro na fuel discount subsidy ng pamahalaan.
Ayon sa isang opisyal ng ahensya, saklaw nito ang lahat ng rehiyon batay sa listahan ng mga kwalipikadong public utility vehicles (PUVs), habang 12,688 unit na ang matagumpay na nakapagrehistro para sa transaksyon.
Bagama’t unti-unti nang bumubuti ang presyo ng produktong petrolyo, ipinunto ng LTFRB na patuloy pa rin ang suporta ng gobyerno sa sektor ng transportasyon. Hindi lamang umano mga drayber at operator ang makikinabang dito, kundi maging ang publiko dahil nakatutulong itong mapanatili ang operasyon ng mga pampasaherong sasakyan at maiwasan ang dagdag-pasahe na agad na sumasalo sa bulsa ng mga komyuters.
Mula sa limitadong pagpapatupad noon sa piling gasolinahan sa Metro Manila katuwang ang Department of Energy (DOE), pinalawak na ngayon ang programa sa buong bansa. Sa kasalukuyan, umaabot na sa 4,299 participating gasoline stations ang tumatanggap ng subsidy, malayong paglawak kumpara sa unang 50 istasyon lamang sa National Capital Region (NCR). Nakapamahagi na rin ang gobyerno ng mahigit P13.3 milyon para sa fuel discount assistance.
Bukod sa P10 kada litro na diskuwento, inaprubahan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang P5,000 fuel subsidy para sa mga kwalipikadong PUV driver at operator, kasama ang pagpapatuloy ng service contracting program upang mabawasan ang epekto ng mataas na gastusin sa transportasyon.
Gayunman, mahalagang tandaan na ang subsidy ay para lamang sa mga PUV na mayroong valid na prangkisa. Mayroon ding limitasyong 150 litro kada linggo bawat unit, at awtomatikong mailalapat ang discount sa oras na makumpirma ang license plate ng sasakyan.
Ang pagpapalawak ng fuel subsidy ay hindi lamang ito usapin ng ayuda sa transport sector kundi proteksyon din sa mga komyuter na araw-araw umaasa sa jeep at UV Express. Kapag mas nakakabiyahe ang mga tsuper nang hindi gaanong pinipiga ng mataas na presyo ng krudo, mas nababawasan din ang panganib ng kakulangan sa masasakyan at biglaang taas-pasahe.
Ang halaga ng programang ito ay hindi lamang sa perang inilalabas ng gobyerno, kundi sa ginhawang naibibigay nito sa karaniwang Pilipinong kailangang bumiyahe upang makapagtrabaho, makapag-aral, at makaraos sa araw-araw




Comments