Filipinas Football, mag-e-ensayo kontra Wales
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 15, 2023

Laro ngayong Huwebes – Pinatar Arena
3:30 a.m. Pilipinas vs. Wales
Isang malaking hamon agad ang haharapin ng Philippine Women’s Football National Team sa katauhan ng Wales sa pagbubukas ng 2023 Pinatar Cup sa 3:30 ng madaling araw ng Huwebes, oras sa Pilipinas. Tiyak na masusubukan ang Filipinas na ika-53 kontra sa Wales na ika-32 sa pinakahuling FIFA World Ranking.
Ito ang magiging unang sabak ng mga Pinay sa torneo habang nagbabalik ang Wales matapos makuha ang ika-apat na puwesto noong 2022. Ang iba pang mga kalahok ay ang mga pambansang koponan ng #25 Scotland at #16 Iceland.
Gagamitin ng Pilipinas ang Pinatar Cup bilang pagsasanay para sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Hulyo sa New Zealand. Hindi nalalayo ang antas ng mga kalaro sa Pinatar kung ihahambing sa mga makakatapat sa World Cup na #21 Switzerland, #13 Norway at host #24 New Zealand.
Maglalaro ang apat na bansa ng single round robin at ang may pinakamataas na kartada ay tatanghaling agad na kampeon. Kung may tabla ay gagamit ng FIFA Rules sa goal difference o ang nilamang ng koponan sa mga kalaro.
Samantala, isa-isang sinusuri ng pamunuan ng Philippines Football League (PFL) ang mga isinumiteng listahan ng manlalaro para sa nalalabing Round 3 at 4 ng pambansang liga na magsisimula sa Pebrero 18 at 19. Isa sa mga unang natapos ay ang Azkals Development Team na binubuo ng 34 pangalan bilang paghahanda para sa 2023 Southeast Asian Games sa Cambodia.
Ang SEA Games ay para sa mga edad 22 pababa subalit maaaring magsama ng dalawa na higit sa takdang edad. May ilan din sa listahan ang kasalukuyang naglalaro sa ibayong dagat gaya nina Sandro Reyes, Sebastian Rasmussen at Jacob Maniti. Hiniram din ng ADT si goalkeeper Quincy Kammeraad galing Kaya FC Iloilo.





Comments