Asiad: Astig ang Men's football nakaiskor ng panalo mula 1958!

by Gerard Arce @Sports News | September 22, 2026

Photo: Sa loob ng 68 taon sa wakas ay nagawang magwagi uli ng Pilipinas Football sa Asian Games. (Pilipinas Football)
Laro sa Biyernes - Shizuoka
6:30 PM Japan vs. Pilipinas (W)
Winakasan ng positibo ng Philippine Football Team ang makasaysayang kampanya sa Aichi-Nagoya 2026 Asian Games sa 2-1 panalo kontra Kuwait kahapon sa CS Asset Minato Soccer Stadium.
Ito ang unang panalo ng Pilipinas sa torneo matapos ang 1-0 resulta sa host Japan noong Tokyo 1958. Nagsilbing bayani si forward Andres Aldeguer sa kanyang penalty kick sa ika-91 minuto.
Tinawagan ng delikadong foul si Saleh Almehtab laban kay Jax Pena upang ilatag ang daan para sumipa si Aldeguer, ang 22 anyos na anak ng dating PBA player Dino Aldeguer.
Nakaiwas sa disgrasya ang mga Pinoy matapos aksidenteng naipasok ni Scott Woods ang bola sa goal ng Kuwait para pumantay sa 1-1 sa ika-66. Si Santi Rublico ang naghatid ng pambungad na goal sa ika-19.
Nagtapos ang Pilipinas na pangatlo sa Grupo C na may tatlong puntos matapos matalo sa Uzbekistan (1-5) at Vietnam (0-2). Naudlot ang pangarap ng Kuwait na makasingit sa quarterfinals at isa lang ang puntos mula sa 1-1 tabla sa Vietnam.
Nagkataon na si forward George Aldeguer ang nagtala ng nag-iisang goal ng Pilipinas upang talunin ang mga Hapon 68 taon na ang nakalipas. Dahil doon, pumasok ang RP XI sa quarterfinals pero nabigo agad sa Indonesia, 2-5, para magtapos ng ika-walo sa 14 bansa.
Matapos ang Tokyo 1958 ay dalawang beses lang nagpadala ang Pilipinas sa Jakarta 1962 at Tehran 1974 at parehong walang panalo. Naglaro rin ng Football sa Manila 1954 pero umatras bago ang unang Asiad sa New Delhi 1951.
Nakatakdang maglaro ang Senior Booters sa bagong tatag na FIFA ASEAN Cup mula Setyembre 24 hanggang Oktubre 5 sa Indonesia. Haharapin nila sa Grupo B ang Vietnam, Thailand at Pakistan.





Comments